Graduate na

BUHAY na buhay na naman ang PICC dahil sa dami ng mga idinaraos na graduation ceremonies ng iba’t ibang schools.  Subalit, sa aking palagay (pasensiya na kung negative pero reality lang ito) mas marami ang kinakabahan ‘pag ga-graduate na ang isang estudyante. Bakit?

1.      makakapaghanap ba kaagad ng work (college – students)

2.      tutulong ba ang anak (college- parents)

3.      Okay, tapos na sa high school eto na ang mas malaking gastos (high school – parents)

4.      saang school mag-i-enroll? Vocational o College? (high school – students)

5.      hihiwalay na sa dabarkads? (elementary – students)

6.      Binata na  so Otoy, dalaginding na si Iday ( elementary – parents)

7.      tutuloy pa ba sa pag-aaral  (elementary and high school – parents and students) 

Para sa akin pinakanakakalungkot umalis sa High School, masaya ang magtapos sa  elementary at nakakatakot sa college.

Nitong holy week napag-usapan namin nina Manang Juling at ng pinsan ko ang tungkol sa memorable elementary teacher (MET) ko. Memorable kasi ilang beses ko siyang naging teacher at isa siyang malaking joke sa elementary life.   

Grade 2 ako ng una ko siyang naging adviser. Ang interes ko lang noon ay pumasok sa eskwelahan at mag-ipon ng pera. Hindi ko palalagpasin ang panonood ng Bioman, Shaider, Maskman at Batibot para lang makagawa ng assignment. Gumon din ako noon sa pagpa-family computer at paborito ko ang Mario 3 (gusto ko ako yung may hawak ng player one, kasi may start at pause. Ayoko rin na ako si Luigi kasi feeling ko, loser ako pag siya ang character ko), Battle City at Punch Out. Nagbabaon ako ng isang malaking baso (Tupperware) ng tubig.  Iyon lang ang nilalagok ko every time na mauuhaw at magugutom ako.  Na-inspire akong mag-ipon kasi inoperahan si  Manang Juling. Sa awa naman nakapag-ipon ako ng P100 (malaki na yun no! dati.) 

One time pinabasa ako ni MET, e palpak. Siguro naalarma, dinalaw si Manang Juling sa bahay. Ang siste, nalaman namin  na naging teacher pala niya sa college yung Uncle ko sa Samar.  Mula noon feeling ko naging particular na siya sa akin. Hindi ko tuloy malaman kung naging terror ba sa kanya si Uncle. Mapi-feel mo kung sino yung pinapaboran niya at hindi.  Saka kung anu-ano pinabibili sa akin, like yung chalk na makulay.

Hindi ko rin makakalimutan ng i-assign niya ako na maging star dancer ng Christmas presentation namin.    Pagod na pagod ako noon kakatalon saka kakaturo niya ng steps.  Nga pala yung song Rudolph the red nose rain deer (alam mo na kung sino ako?)  Hindi ako nakaabot sa presentation namin dahil hindi nagawa sa oras yung costume ko. Aba, ako ang pinagalitan, malay ba ng isang cute na cute na grade 2 student na gaya ko sa bagay na yon.

 Grade 5, naging section 1 ako ( mula grade 2 hanggang grade 4 section 2 ako. masasabi kong pinakamasayang taon ko sa sa elementary ay  noong grade 3 at grade 4  lang… period walang kasunod) at siya ulit ang adviser ko. One time, may isang quiz na mababa score ko. Nilapitan ba naman ako at sinabihang ililipat daw niya ako ng section.  Sa isip ko, “eddie ilipat mo ayoko nga sa section na ito.”  eh sa totoo lang naman,  yung pressure saka pulitika nasa section 1 di ba? Sa public school kasi sa section 1 napupunta ang bagong mga upuan, pinakamagandang room at medyo titingalain ng ibang students. Pero ‘di masaya yun, karamihan ng mag-aaral grade conscious, feeling sikat at makapangyarihan etc. etc.  iilan lang yung pwedeng kaibiganin. Naalala ko rin, hindi naman ako ia-admit sa section 1 kung mapurol ang utak ko no.  

Minsan,  pinabasa naman niya ako.  Hindi ko na maalala kung ano yun pero mahaba siya at in English. Na-amaze siguro kasi with matching emotion pa ang pagkakabasa ko. Alam mo ginawa? Sabihin ba naman sa klase namin yung kapalpakan ko dati sa grade 2, ang laki daw ng improvement ko. Tas palakpakan ang buong klase. Kala niya natuwa ako doon, isang nag-uumapaw na hindi!!!!!!!  

May isa ring dance show sa school na nag-audition ako. hindi dapat ako sasali roon kasi wala naman akong pambili ng costume saka hinatak lang ako ng kaklase ko, eh pumasa.  Ipatanggal ba naman ako ni MET… eh sabi nga ng ilang kasama ko at kaklase, hindi naman daw ako dapat  ang tinanggal. Hindi ko rin maalala kong nakalaglag ba ako ng baso sa sayaw na yun.  pero okay na rin yun, wala talaga akong pambili ng costume at nababawasan ang panonood ko.

Bukod kay MET, may nakabangga rin akong kaklase na isa sa mga honor students.  matagal na siyang namumuro sa akin e, pinagpapasensyahan ko na lang (naks feeling bida sa koreanobela) kasi mataas ang EQ ko (chuz!) Bumingo siya sa akin nung one time,  nakaistambay kaming magkakaklase. Tas sumayaw siya, yung istariray style. Pinalakpakan ko siya, yung walang malice o “cruel intentions.” Sabihin ba naman sa akin, with matching arko ng kilay “ang pagpalapak nilulugar at binabase sa tao.” Sagutin ko nga “ah ganun ba? Kasi  pumapalakpak ako kung kailan ko gusto at ako nakakaalam kung sino ang gusto kong palakpakan.” Loko siya nanonood ako nga mga drama movies old and new. Maya-maya siya rin ang lumalapit sa akin. Kala niya gagaya ako sa mga kaklase namin na tatameme sa kanya.  

At eto pa… section 1 ulit ako nung grade 6… kaklase ko ulit si top student, guro ko siempre si MET (ewan sinusundan ata ako), at  nadagdagan ang terorista sa life ko, Si art teacher na naging buddy-buddy ni MET. Etong si MET, panay pa rin pabili ng kung anu-ano.  Yung flower base niya sa mesa kailangan laging may bagong bulaklak.  Yung mga pa-impress, rose at bumibili talaga ng bulaklak.  Nung ako ang in-assign niya ang ibinigay ko santan ( red and yellow) at gumamela (pink), bakit? Yun lang nasa bakuran namin e. at wala akong balak na  awasan pa ang limited budget ni Manang Juling para sa kanya. May ilang exams na nakaka-perfect ako… aba pag sa kanya ang subject ayaw paawat, parang di ako karapat-dapat.  Yung isang question na ang sagot na halos lahat ng  pupils eh agree, mali raw.  

Etong si ART teacher naman, ginawang sample sa klase yung work ko. Yung tipong pinakamali at pinakapangit na art work.  Wag ka gulantang siya nung mag-drama presentation kami. Ako yung kinuha ng smart kung kaklase para magbitaw ng makabagbag damdaming “Come let’s find some food in the forest!” bilang unggoy na iniwan sa ere ng kanyang mga dabarkads. Buong klase nun, na-amaze sa aking acting prowess ( naka naman…) Kung ‘di man ako type nina MET at Art teacher, okay naman ako sa ibang teachers. Tuwang-tuwa ako nung sabihin ako ng isang teacher  sa social studies (ata) na ibang klase raw ako mag-isip.  Parang nag-comment pa nga siya na pwede raw akong maging abogado. (chuz dagdag ko lang yun. Hehehe) 

Hay… yun ang kwento bat masaya akong nagtapos sa elementary… bye bye MET, Top student at ART teacher…Kahit may last minute okray sila sa akin  hindi na umubra.  Nakaganti naman ako eh. isa ron ay nang hindi ko sila pinansin (ng sobrang in your face) ng makita nila ako sa mall. Kahit nagkoko-comment si MET, wa care… sa isip ko, sorry tapos na ako sa iyo…