Retired Major killer Tibor

Napadpad ang tsekot ni Romeo sa malayong kakahuyan kung saan may nakatayong bahay na bato. Dito nakatira si Mang Tibor, isang retiradong killer. Pinatuloy siya nito sa kanyang tahanan.

“So, dati po pala kayong killer?” tanong ni Romeo na kunwari ay hindi takot pero nagpapawis na ang kilikili. “Hindi po halata sa itsura ninyo.”

“Matagal naman na ‘yon at ayoko na gawin,” malumanay na sambit ni Mang Tibor sabay hithit sa sigarilyo niyang Champion. “Pero noong kabataan ko, kahit sino ipatumba sa akin kawawa. Katunayan n’yan ay forte ko ay mamugot ng ulo.”

“Tttalaga po?” garalgal na tugon ni Romeo na ikinakalma ang sarili. Nakisindi pa kunwari ng sigarilyo niyang Hope. Nang makahithit pa ay nag-isip siya ng maitatanong.

“Ano naman ang nagpatigil sa inyong gawain?”

“Noong dumating ang puntong parang wala nang saysay sa akin ang pera. Sa totoo lang Romeo, itong tirahan ko ngayon, baka CR ko lang dati,” saad pa ni Mang Tibor sabay pausok ng kanyang sigarilyo na tila mabilis na nauupos  “Pero wala, wala naman akong misis o anak. Saka kung iisipin, pwede kong palitan ‘yong mga slogan d’yan sa mga jeep na “Katas ng Saudi,” ang sa akin naman ay “Katas ng Dugo,” tatawa-tawa pa nitong pahayag.

“Ay oo nga po,” ngingising-ngising sabi ni Romeo. “buti hindi po kayo minumulto ng mga pinatay  ninyo?

“Siguro, pero ang multo kasi sa akin ‘yong konsenya ko. Mas mahirap takasan at mas nakakatakot. Ba, ilang taon din akong binabangungot na sukat na gusto ko na lang magpakamatay para matapos na,” saad pa ni Mang Tibor at nilagay sa ashtray ang upos nyang Champion.

Sa paglinga-linga ni Romeo sa bahay ni Tibor napansin niyang, malaki siguro ang pinagbago ng pamumuhay nito. Payak ang mga kagamitan nito sa bahay. Napanatag ang kanyang loob na ang kaharap niya ay hindi nakakasindak na hitman kundi kaawa-awang tao dahil binabagabag ng konsensya.

“Magkano po ang singil ninyo sa mga taong nagpapapatay sa inyo? Tanong ni Romeo na nilagay na rin sa ashtray ang kanyang Hope.

“Depende pero usually per head,” saad ni Mang Tibor na inalok naman ang kabubukas pa lang na isa niyang kahang More kay Romeo. Tinanggap ng binata ang sigarilyo at siya naman ang nag-alok na sindihan ang sigarilyo ni Mang Tibor ng kanyang lighter. “Ito na lang meron ako, wala na ‘yong fortune este Champion e.”

“Pero may pinatay na ako ng walang bayad. For personal reason lang kung baga,” alok na kuwento ni Mang Tibor. “Kapit-bahay ko dati na lagi kong kainuman.”

“Bat n’yo naman pinatay?” na- curious si Romeo.

“Masyado kasing matanong, kaya itinumba ko. Ayoko ko kasi ‘yong masyadong matanong, naririndi ako,” saad ni Mang Tibor na humithit pa rin ng sigarilyo habang nagkukuwento.

Bigla ay natakot si Romeo, kanina pa nga naman siya tanong ng tanong. Nang mapansin niyang nagtatagal siya ng husto ay nagpaalam na siya.

“Sige po Mang Tibor, aalis na po ako. Kailangan ko na ring makabalik kaagad sa Maynila baka ma-traffic ako,” ani Romeo na kung pwedeng kumaripas ng takbo ay gagawin na.

“Ikaw naman, masyado pang malalim ang gabi para umalis. Bat hindi ka na lang dito matulog?”

“Hindi na po siguro. Ang totoo n’yan ay nagmamadali talaga ako. Ehehehe, napatagal lang ako kasi napasarap ang usapan natin,” kakamot-kamot pa ng ulo na palusot ni Romeo.

“DUMITO KA, DUMITO KA!” bulyaw ni Mang Tibor na ikinatakot ni Romeo. “ANG HULING TUMANGGI SA AKIN NI HINDI NA PINAGLAMAYAN, IDINIRETSO NA SA HUKAY.”

…At muli may isa namang ulo…. ang natagpas ng palakol ni Mang Tibor.

(After one year…)

“Isang lalake, natagpuang patay sa isang abandonadong bahay sa kakakahuyan ng Bungkay Province,” saad sa isang News program. “Ang Lalake ay hinihinilang namatay sa bangungot.”

Hindi na hinintay ni Romeo na matapos ang balita at isinara na niya ang TV. Kahit hindi pa sabihin ang pangalan ni Mang Tibor ay alam niyang ito ang natagpuang bangkay na mahigit isang linggo nang walang buhay.

“Mabuti naman at nakapagpahinga na siya,” maluha-luha pang anas ni Romeo na nakaratay sa hospital dahil sa sakit na Lung Cancer. Naalala pa niya nang iligtas siya nito mula sa isang ulupong na pumasok bahay nito noong gabing ‘yon. Marahil kung hindi dahil dito, wala rin siya sa hospital ngayon. tigok na siya kaagad. 

Advertisements

18 comments

  1. parang nakatawag pansin sa akin ang mga sigarilyo… may hope si romeo, may fortune na naubos si Mang tibor at ng maubos ay nag-alok ng more…. walang parang may nabasa lang ako…:lol:

    kahit sino naman hindi nakakatakas jan kay konsensya, iba sumingil yan eh. Matindi! 🙂

    • sinandya ko talaga na iba-ibahin ang brand. at depende yun sa pagkakagamit. kung di tinanggap ni Romeo ang more, malamang wala siyang kanser. hehehe

      meron pa nga siyang hope e, nagsumigepa siya. hehehe

      naman ang konsensya, magandang maramdaman para malaman mo kung tao ka pa ba.at habang may pagkakataon pa.

  2. waaah! akala ko madedededoks na si Romeo (di pa sila nagkikita ng Juliet niya)… mabait naman pala si Ginoong Hitman! Hakhak!
    Pero ang galing ng pagkakagawa ah… malamang namatay si Hitman dahil sa bangungot dun siya minumulto ng mga pinatay niya…
    awooo!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s