Dear Ate Jevs,
Gusto ko may marating sa buhay at alam ko naman na dapat ay pinaghihirapan ang pangarap. Masipag naman po ako and I’m always looking forward na dumating ‘yong time na maging maginhawa naman kami. Iyong tipong may sariling sasakyan, bahay, at kapag may nagkasakit ay hindi kami mamomoroblema sa pagpapa-check po. Pero ewan ko po kapag nand’yan na iyong opportunity ay parang palagi ko na lang pinagduduhan ko ang aking sarili. Kaya ko ba?
Dinadaga po ako na tanggapin lalo na iyong may malaking sahod sana pero may mabigat ng responsibilidad. Hindi ko po alam kung takot lang ako na hindi ko kakayanin, sadyang wala akong tiwala sa aking sarili, o siguro hindi lang po ako sanay na ako na pinagkakatiwalaan sa malalaking katungkulan. Mas sanay po kasi ako na tumatanggap ng kritisismo at komportable sa pagiging team player lang. Kung ako ay hirap na dalhin at kinaya ko lang, paano pa kung ako na pa ang maging leader sa iba.
Problema po sa akin ito dahil marami po akong pangarap pa. Alam ko haharap ako sa mabibigat na challenges kaya kapag hindi ko na-overcome ito ay mas lalo akong mahihirapan. Sana po ay mabigyan ninyo ako ng tips. Marami pong salamat at pagpalain po kayo.
Nicole
Dear Nicole,
Ateng ang hirap naman ng kalaban mo— ang sarili mo. Ang daling magsabi ng payo kung iba kasi dali naman magtsika na tara tumbahin na natin ‘yang lukaret o damoho. Pero ito ay iba e, so kailangan lansiin, sanayin at ikondisyon mo ang iyong sarili na?
- Kung ‘di mo lalakasan ang loob mo, eddie mananatili kang feeling mahina at nagkakasya sa kung ano ang nand’yan. Eh kamo marami ka pang pangarap? Alangan naman mangarap ka ng malaki tapos gusto mo maliit lang ang effort. Gusto mo makarating sa finish line, e ni hindi ka nga tumatakbo. Believe me, mas lalakas ang loob mo, kapag sinasanay mo itong palakasin. Kapag nagawa mo na minsan, masusundan at magagawa mong madalas basta magsimula ka.
Maniwala ka na ang Lakas ng loob is one of the powerful traits in the universe. Itatarak ko ‘yan sa noo ng mga astang matatalino at sa peslak ng mga feeling maganda at guapo.
- Kapag gusto mo ang isang bagay kahit hindi ka sanay na gawin at dinadaga ka ay ipaglaban mo. Sino bang nadapa nang bongga na hindi nasaktan? Que walang tumuklap na balat, bumulwak na dugo, tumulong uhog, o nangilid na luha– Bes masakit pa rin ang madapa. Ngayon nasa tao na ‘yan kung hindi n’ya iindahin ang sakit o pagkapahiya, either dahil sanay na o deadma na lang s’ya. Ang importante ay hindi ‘yon ang nagpatigil sa kanya para maglakad ulit. At mas magagawa mong bamangon, rumesbak, mag-bounce, at kumadirit pa after ng madapa kapag motivated ka. ‘Pag ginusto mo, gusto mo tanong mo pa sa mga kinantahan ng “Love is Blind.”
- Baka naman gine-generalize mo ‘yang mga takot mo? Cliché man gaya ng “rich boy meets poor girl” or “laging may masama sa magkakambal,” pero oo “case to case basis” ang mga bagay. Baka naman introvert ka at mas sanay ka na tahimik na nagtatrabaho sa isang sulok kaysa maglider-lideran. Pero maraming introvert na CEOs at artista. Baka naman dahil nag-fail ka dati kaya feeling mo magpi-fail ka ulit. Ano ka born to fail?
Baka naman may “impostor syndrome” ka or “fear of success?” Ang masasabi ko lang d’yan whatever failure you had before, ano mang nakikita mong similarities, at takot mo sa unknown. May antonyms ang failures, similarities, at unknown. Wag mo lang itanong sa akin ang specific dahil big word na sa akin ang “antonym.” Ikaw na magturo sa akin, hindi lang antonym kundi pati na rin ang translation nga mga yoon sa science, Korean, o salitang kanto. Hohoho!
Supermodel sa ganda based sa kapal ng mukha,
Ate Jevs