May (Sakit) Pa

Isa sa gawain ko kapag naka-day off ay ang mag-alaga ng mga pamangkin. Hindi naman religiously basta pag nautusan, napansin kong kailangan na kailangan talaga at nararamdaman ko na gusto kong makipag-bonding sa kanila.

RELO-relohan
RELO-relohan

Ang ginawa ko ay pinasok ko sila sa kuwarto at doon kami naglaro. Ang una ay kunwari ay nag-little Ms. Philippines kami. May talent portion (na puro kanta) at question and answer.

Kinanta nung niece no. 1 ko (na kaka-three pa lang) ay alien song (ewan hindi ko maintindihan eh), yung niece no. 2 (five years old) ay twinkle-twinkle little star at yung niece no. 3 ko naman ay abcdelmnop (alphabet yan kaso patalon-talon siya).

So sunod ay ang question and answer naman…

Hoshi: sinong kamukha mo?

niece 1: hmmm wowowee

Hoshi: ano? Sino ulit?

niece 1: si mommeee

Hoshi: ah si mommy mo?!

niece 1: shi daddeee

Hoshi: bakit walang tenga si Barney?

niece 2: kasi wala e… hmmm kasi pag ngumanga siya sumasabay na sa pagsasalita yung pagkinig niya.

Hoshi: sino ang tinaguriang people’s champ

Niece 3: hmmm

Niece 2: ( sumabat) Pacquaio, Manny

Hoshi: ibang tanong na lang sinong best friend  ni Dora?

Niece 3: si boo…

Niece 2: si Boots

Hoshi: (eh napika ako) who is the current president of the Philippines?

Niece 2: ( hinihintay kong sumabat) hmmmm

Niece 3: Cory Aquino

Hoshi: (tumalbog)

OA1PXX01Gusto-gustong nila yung laro na ganun kaso nauubusan na ako ng tanong saka para hindi naman kawawa si niece no.1 ay nagdrama-dramahan kami. Kunwari ako ang pasyente sila ay mga doctor.  Si niece 2 ang pinaka -head doctor, si niece 3 ang kanyang asst. or nurse at yung si niece 1. wala pag trip niya lang manggamot. Nilagyan nila ako kunwari ng dextrose, ni-check ang aking BP at hinihilot ( hmmm sarap). Panay sabi ko… “magaling na ba ako?”

Tas panay kunwari ang pag-aaral nila sa akin at paglalagay ng gamot. Aba’t maya-maya sabi ni niece 2 “sige pagalingin na natin siya, humingi na tayo ng tulong kay Santino” ( bidang karakter sa May Bukas Pa ng channel 2)

Silang tatlo lumuhod at pinadikit ang mga kamay at dinasalan ako.

Niece 1-3: Bro sana po pagalingin mo na siya. Amen!

(Aray ko! hahahaa. natawa ako)

niece 2: tita, higa ka pa hindi ka pa magaling, mamaya pa eepekto yung gamot namin.

Hoshi: ah ganun ba?!

Dungaw, a Puppy Love fiction (pu-fi)

Warning: mahaba ‘to, e kwento nga e

 

I.

 

Noong una wala ka lang sa akin, suplado ka kasi, minsan lang lumabas ng bahay at magkaiba ang henerasyon natin. Ako naman ay abala pa noon sa pakikipaglaro, lalo na sa mga nakababata mong pinsan. Pero, isang araw bigla mo akong tinitigan at tayo’y nagkausap. 

Dahan-dahan sa pakiwari ko’y nag-iiba ang trato natin sa isa’t isa. Palagi ka nang nakatambay sa harap ng bakuran n’yo, habang ako’y palaging napapadungaw sa bintana namin. Unti-unti nagugustuhan ko ang pagiging tahimik mo, ang ‘di mo paghuhubad ng T-shirt kapag nagba-basketball, ang itsura mo na laging mukhang presko kahit pagod. Maging ang pag-iwas mo sa mga inuman at ‘di paninigarilyo,  pagbabasa ng diyaryo at pagpapatugtog ng radyo. 

Alam mo bang napakasaya ko noong batiin mo ang pagsasayaw ko kahit parang  palpak naman  ang  nagawa ko.

 

II

 

Napangiti ako nang malaman ko na marami pala ang nagkakagusto sa iyo. Akala ko nga may nagustuhan ka sa isa sa mga kabarkada ng ate ko. Bigla-bigla hindi ka na lumalabas sa inyong bahay at nawala na rin ang alingawngaw ng iyong radyo.  Napansin ko na lang din na palagi akong niloloko ng kuya mo noong mga panahon na iyon.  Sila ba ang patalastas ng ating kwento?

Isang okasyon, nagulat ako dahil sumama kang makikain sa amin.  Sa bigla ko nga ay para akong naging istatwa at namula ang aking mukha. Kahit gutom ako nun, mas pinili ko ang maglagi sa kwarto

Naalala ko rin noong gabing ‘yon ay nagmamadali kang umuwi. Akala ko nataranta ka rin dahil bigla akong lumabas, iyon pala nahiwa ang daliri mo ng salamin ng mesa namin. Ang cute, namula ka rin nang magtama ating mga mata.

 

III.

 

Minsan umangkas ako sa tricycle ng kaklase kong lalake para maihatid malapit sa bahay namin.  Kung ano ang saya ko sa biyahe, iyon naman ang simangot ko noong makita mo akong bumaba ng tricycle. Nanginig ata tuhod ko noong tumayo ka at umalis. Tama nga ang song mo sa akin, “Isang Tanong, Isang Sagot” type ba natin ang isa’t isa?  

Pero mas nalungkot ako nang malaman ko na maninirahan ka sa ibang bansa.

 

IV.    

 

Ilang taon ang nakalipas, wala ng balita sa iyo at abala na rin ako sa ibang bagay. Isa sa inaayawan ko noon ay ang mamalagi sa tindahan namin, pero minsang abala ako sa pagnguya ng chichirya ay narinig ko na lang boses mo.

“Hi Hoshi!” bati mo sa akin. Noong araw na iyon, parang lalo kang gumawapo at hindi ako nakaimik. Sabi mo “hindi mo na ako kilala?” Kunwari, kinikilala kita pero sa totoo lang alam kong ikaw na ‘yon. Pero, ang mahirap sa iyo puro ka pagbati  at hindi ka marunong magpaaalam, lalo na nung muli kang umalis.

 

V.

 

Nitong Marso nabalitaan ko na darating ka at dahil may teresa na ang bahay ninyo hindi ko maiwasang tumingala rito. Subalit ilang linggo na ang nagdaan nun ay hindi pa rin kita nakikita.

Isang araw, naisipan ko na magsimba sa paborito kong simbahan sa Manila. Dahil inabot ako nang tanghaling tapat at nakita kong may mga basura sa tapat ng aming bakuran, medyo uminit ang ulo ko. Subalit, maya-maya  ay may narinig akong tumawag sa aking pangalan.

Nang tumingala ako, nakadungaw ka na sa inyong teresa. Binati mo ako at dalawang beses  naman kitang nasabihan ng “Hi!” Binati kita at sinagot mo naman ako sa wikang Tagalog kaya namangha ako sa iyo.  Iba ka kasi sa  nakatatanda mong kapatid.  

Maya-maya napadako ang tingin ko sa batang naglalaro sa tabi mo  Tinanong kita kong kaano-ano mo ang bata. Sinagot mo ang tanong ko at dahil doon gusto ko nang tumalikod kahit nararamdaman ko na gusto mo pa akong kausapin.  Pero tingin ko ‘di mo narinig ang tanong ko dahil saliwa rin ang sagot mo nang sabihin ko na kausapin mo ang kuya ko.

Hindi ko mapigil ang mapatanga sa tuwing naalala ko ang eksenang iyon, lalo na’t nalaman ko na hindi mo naman  nakausap sino man sa miyembro  ng pamilya ko o sa mga kapit-bahay natin. Salamat! Dahil nitong huling alis mo, isinigaw mo ang pangalan ko.