Looking for father figure partner?

siguro na-kwento ko na before na vivid ang akong managinip. as in kaya kong ikuwento kung saan nagsimula at saan nagtapos. at may masama at mayroon din naman na mababaw lang.

naniniwala ako na lahat ng panaginip ay hindi lamang  basta eksena sa pagtulog kundi naghahatid din ng interpretasyon. kung ano ka, kung ano laman ng kokote mo at kung ano ang maaaring mangyari. Hindi lang basta future ha, I mean yung mga what if dala ng takbo ng subconscious mind mo.

ending up with an older guy

three times ko na siguro na napaginipan na may asawa ako na malayo ang edad sa akin. let’s say noong una kong napanaginipan yun ay teenager ako at ang napangasawa ko raw ay nasa 40 plus na.

o siya wala naman problema doon di ba?  baka dala lang kapapanood ko ng movies at series na kung bakit din trip ko yung mga mukhang matured. example? sa Twilight, gusto ko si Charlie Swan. Then gustong-gusto ko ang Bridgette Jone’s Diary at Pride and Prejudice because of Mr. Darcy.  Tapos ito pa, ang favorite novel ko ay Little Women at feel na feel ko na ako sa Josephine.

ang siste noon ay, after ng aking moments with older guy ay mahuhulog ang loob ko sa isang lalaking kaedad ko rin. labo di ba? cheater, playgirl? o gusto ko lang ng jellybean kaysa ice cream sandwich?

say mo?

KAPAYAPAAN, KALAYAAN, KARANASAN…noynoy aquino

May party akong napuntahan na hindi ako ganoon ka kumportable. Hiwalay ang kuwarto kung saan may kainan, doon sa kuwartong may mga program gaya ng sayawan, kantahan at palaro sa parang hotel na ‘yon.

Noong marinig ko na parang may dance contest, nagpasya akong sumali. Pumasok ako sa loob ng kuwarto at doon ko lang naalala na naka-dress pala ako kaya inabot ko ang aking sinturon at sapatos sa aking kaibigan na nanonood lang sa program.

Sa mga kasali, alam ko dalawa doon ay kakilala ko. bigla nag-alala ako na baka stop-dance ang laro. Dyahe naman sa akin ang sumali pa sa ganung laro pero nandoon na rin lang, sumige na ako. Ang nakakaloka lang ay imbes na pasayawin kami ay nagkaroon ng question and answer portion.

Pinakitaan kami ng tatlong que cards na naglalaman ng mga salitang KAPAYAPAAN, KARANASAN at KALAYAAN. Mamimili ka alin sa tatlo o i-enumerate mo ang tatlo ayon sa pagigingg importante nito sa iyo.  Panghuli ako sa sasagot at yong nauna sa akin ay si Tita Cory pala. Ang sagot niya ay KAPAYAPAAN.

Naisip ko ay may punto siya pero ako ang nasa isip ko, kalayaan ang gusto ko na unahin. Pero naisip ko rin nung pagkakataon na ‘yon, mahirap idepensa at may pipili kaya nung cue card na may nakalagay na KARANASAN? Pero noong ako na ang sasagot ay hindi na ako nakapagbigay ng kuro, kasi nagising na ako.

Wala lang sa akin ang panaginip na ‘yon, bagama’t weird at nakasama ko pa talaga si Tita Cory ha.  Pero kanina habang nakikinig ako sa speech at pagdedeklara ni Noynoy Aquino na tatakbo na siya na sa pagkapangulo biglang bumalik sa akin ang panaginip ko.

Marahil pinili ni Tita Cory ang Kapayapaan kasi yun naman talaga ang nagawa niya during her time, gusto ko ng Kalayaan bilang indibidwal at mamamayan at ang KARANASAN ay para kay Noynoy. Sa totoo lang kasi, ‘yon ang tingin kong kulang sa kanya at mas gusto ko siyang tumakbo bilang pangalawang pangulo.

nais ko'y kalayaang,'di papel lamang
nais ko'y kalayaang,'di papel lamang

Siyempre, ayaw ko rin naman sa mga TRAPO (traditional politician) na punong-puno sa karanasan pero wala namang kakuwenta-kuwenta at integridad. Ang sa ganang akin ay kaya nga bang mamumuno, desidido, maaasahan, mapagkakatiwalaan at  may magandang hangarin para sa bayan.

Naniniwala naman ako na mayorya sa mga binanggit kong  katangian ay tinataglay ni Noynoy. At kung titingnan ang mga posibleng kakandidato, namumukod tangi  nga siya sa maraming aspeto.  Pero may bunga kasi ng isang magandang puno na nababalewala ang pagkalinam-naman at sustansya pag piñatas ng hilaw. Nakakatakam man tingnan pero nakaka-frustrate pag hindi naibigay yung hinahanap mong dapat na lasa nito.

Dagdag na tanong lang… kung hindi ba namatay si Tita Cory at iba ang ginawang taktika ni Mar Roxas (lalong-lalo na ang flop niyang padyak ad), papaimbulog kaya ang name ni Noynoy?  May isa lang akong gustong purihin sa kanyang mga sinabi niya iyon ay dapat wag mawalan ng pangarap o pag-asa.

Sunrise or Sunset?

Bukod sa period sa isang araw, ano ang kahulugan sa iyo ng bukang-liwayway (Sunrise) o takipsilim (Sunset)? Alin sa dalawang ito ang mas gusto mo at bakit?

Iyong huling tanong ang ipinukol sa akin ng  dalawang ‘di ko nakikilalang matandang babae sa isang madilim na kuwarto, na kaming tatlo lamang ang naroon. May hawak pa nga noon na images ang babae habang nagtatanong sa akin. Sinagot ko sila na mas gusto ko ang sunset.  Ang sabi ng matandang babae na nagtanong sa akin, na sa pakiwari ko ay nasa edad 50 lamang, ay ” bakit gusto mo bang nasa hulihan at sumusunod lamang sa pila?’

sunset (pundaquit, zambales) by Hoshi Gonzales
sunset (pundaquit, zambales) by Hoshi Gonzales

Gusto kong mangatwiran sa kanya na parang “oo, gusto ko munang ina-analyze ang sitwasyon bago ako magpursige kung gusto kong lumaban.”  Pero hindi ko na nagawa iyon. Alam ninyo kung bakit?  Dahil nagising na ako alas 4 o 5 na ng madaling araw kahapon, Sept. 14.

Matagal ng vivid ang mga panaginip ko, pero napaisip talaga ako tungkol sa bagay na iyon. Inaalala ko tuloy kung ano ba ang ginawa o inisip ko bago ako natulog. Sino kaya ang dalawang matandang babae?  Bakit tungkol sa sunset at sunrise ang kanilang mga tanong sa akin? Pwede namang nagpa-straight ka ba ng ng hair o nagpa-rebond? San ba talaga ang SM Edsa , sa north o sa west?  O ‘di kaya ay “anong gagawin mo ‘pag napupu ka sa CR na walang tubig, tissue at wala kang mahihingan ng tulong?”

Sa pagkakaalam ko lang kasi ay nag-computer ako mga ilang oras bago ako natulog. Nakipag-chat ako sa ate ko na nasa Dubai, nag-upload ng pictures sa Friendster at naglaro ng “whatword” sa PC. Hehehe!

sunrise (pundaquit, zambales) by Hoshi Gonzales
sunrise (pundaquit, zambales) by Hoshi Gonzales

Pero  may naiisip na akong interpretasyon sa aking panaginp. Iyong babaeng nagsalita ay posibleng si Ate Jevz ko. Pwedeng ang nais niyang ipakahulugan ay imbis na pagtuunan ang pagtatapos, ang hulihan o ang negatibong aspeto ay bakit hindi roon sa pagsisimula o bago. Iyong tipong inspirado ka dahil alam mong may panibagong oportunidad at pag-asang nakalaan para sa iyo. (naka naman!)