Suplada o mahiyain?

Hindi ko naranasan ang mag-boarding house at kung pinagbabakasyon naman ako sa aming mga kamag-anak ay kadalasan linggo lamang ang itinatagal ko sa mga ‘yon. In short, talagang tinubuan na ako ng ugat sa paninirahan sa lugar namin.

Subalit, kumpara sa mga kapatid ko hindi ako kilala medyo sa amin. After ko ata mag-first year high school ay hindi ko na trip ang makipaglaro sa kalye. Ang nangyayari ay ako na lamang ang pinupuntahan ng mga kabarkada ko kaysa ako  ang lumabas at magpunta sa kanila.

Magiliw naman ako sa mga matatanda sa amin, paggalang na rin sa kanila. Pero ewan parang nahihirapan ako makisalamuha sa aking mga kaedad at minsan sa mga kaedad ng mga nakakatanda kong kapatid. Basta bigla naiilang na lang ako, mapa-babae at lalo na sa lalaki.

Pero tingin ko, hindi naman sila nasusupladahan sa akin baka nawi-weirduhan. Hehehe. Noong isang araw nakasalubong ko ‘yong dalawa kong kababatang lalaki. Magkapatid sila, ‘yong isa kaedad ko at ‘yong isa naman ay mas bata.

Gusto ko sila ngitian, di naman siguro nila ako iirapan. Pero di ko na lang ginawa. Batiin nila ako baka puwede pa.

Actually before yung  kaedad kong lalaki, tinatawag ako sa name hindi ko lang pinapansin. As in sinisigawan na ako, kasama noong barkada niya. Kinakabahan ako pero ang katwiran ko, ano naman ang gagawin ko ‘pag nilingon ko sa kanila. Eh pinabibili pa man din ako ng nanay ko.

Ayun mula noon mas lalo na ako nailang sa kanila, kahit noong mga bata kami ay kami-kami rin ang magkakasamang nagka-caroling. Pero teka naalala ko binurot nila ako noon, hindi patas ang partehan. Hahaha

Feeling ko tuloy ako si Keira Knightley sa Pride and Prejudice. Iyon nga lang hindi sila bagay na maging si Mr. Darcy.  Nevahh! Oi pero hindi ako galit sa kanila ha, gusto ko lang talaga ng todo yung character ni Mr. Darcy mapa-Pride and Prejudice at Bridget Jone’s Diary.

Dungaw, a Puppy Love fiction (pu-fi)

Warning: mahaba ‘to, e kwento nga e

 

I.

 

Noong una wala ka lang sa akin, suplado ka kasi, minsan lang lumabas ng bahay at magkaiba ang henerasyon natin. Ako naman ay abala pa noon sa pakikipaglaro, lalo na sa mga nakababata mong pinsan. Pero, isang araw bigla mo akong tinitigan at tayo’y nagkausap. 

Dahan-dahan sa pakiwari ko’y nag-iiba ang trato natin sa isa’t isa. Palagi ka nang nakatambay sa harap ng bakuran n’yo, habang ako’y palaging napapadungaw sa bintana namin. Unti-unti nagugustuhan ko ang pagiging tahimik mo, ang ‘di mo paghuhubad ng T-shirt kapag nagba-basketball, ang itsura mo na laging mukhang presko kahit pagod. Maging ang pag-iwas mo sa mga inuman at ‘di paninigarilyo,  pagbabasa ng diyaryo at pagpapatugtog ng radyo. 

Alam mo bang napakasaya ko noong batiin mo ang pagsasayaw ko kahit parang  palpak naman  ang  nagawa ko.

 

II

 

Napangiti ako nang malaman ko na marami pala ang nagkakagusto sa iyo. Akala ko nga may nagustuhan ka sa isa sa mga kabarkada ng ate ko. Bigla-bigla hindi ka na lumalabas sa inyong bahay at nawala na rin ang alingawngaw ng iyong radyo.  Napansin ko na lang din na palagi akong niloloko ng kuya mo noong mga panahon na iyon.  Sila ba ang patalastas ng ating kwento?

Isang okasyon, nagulat ako dahil sumama kang makikain sa amin.  Sa bigla ko nga ay para akong naging istatwa at namula ang aking mukha. Kahit gutom ako nun, mas pinili ko ang maglagi sa kwarto

Naalala ko rin noong gabing ‘yon ay nagmamadali kang umuwi. Akala ko nataranta ka rin dahil bigla akong lumabas, iyon pala nahiwa ang daliri mo ng salamin ng mesa namin. Ang cute, namula ka rin nang magtama ating mga mata.

 

III.

 

Minsan umangkas ako sa tricycle ng kaklase kong lalake para maihatid malapit sa bahay namin.  Kung ano ang saya ko sa biyahe, iyon naman ang simangot ko noong makita mo akong bumaba ng tricycle. Nanginig ata tuhod ko noong tumayo ka at umalis. Tama nga ang song mo sa akin, “Isang Tanong, Isang Sagot” type ba natin ang isa’t isa?  

Pero mas nalungkot ako nang malaman ko na maninirahan ka sa ibang bansa.

 

IV.    

 

Ilang taon ang nakalipas, wala ng balita sa iyo at abala na rin ako sa ibang bagay. Isa sa inaayawan ko noon ay ang mamalagi sa tindahan namin, pero minsang abala ako sa pagnguya ng chichirya ay narinig ko na lang boses mo.

“Hi Hoshi!” bati mo sa akin. Noong araw na iyon, parang lalo kang gumawapo at hindi ako nakaimik. Sabi mo “hindi mo na ako kilala?” Kunwari, kinikilala kita pero sa totoo lang alam kong ikaw na ‘yon. Pero, ang mahirap sa iyo puro ka pagbati  at hindi ka marunong magpaaalam, lalo na nung muli kang umalis.

 

V.

 

Nitong Marso nabalitaan ko na darating ka at dahil may teresa na ang bahay ninyo hindi ko maiwasang tumingala rito. Subalit ilang linggo na ang nagdaan nun ay hindi pa rin kita nakikita.

Isang araw, naisipan ko na magsimba sa paborito kong simbahan sa Manila. Dahil inabot ako nang tanghaling tapat at nakita kong may mga basura sa tapat ng aming bakuran, medyo uminit ang ulo ko. Subalit, maya-maya  ay may narinig akong tumawag sa aking pangalan.

Nang tumingala ako, nakadungaw ka na sa inyong teresa. Binati mo ako at dalawang beses  naman kitang nasabihan ng “Hi!” Binati kita at sinagot mo naman ako sa wikang Tagalog kaya namangha ako sa iyo.  Iba ka kasi sa  nakatatanda mong kapatid.  

Maya-maya napadako ang tingin ko sa batang naglalaro sa tabi mo  Tinanong kita kong kaano-ano mo ang bata. Sinagot mo ang tanong ko at dahil doon gusto ko nang tumalikod kahit nararamdaman ko na gusto mo pa akong kausapin.  Pero tingin ko ‘di mo narinig ang tanong ko dahil saliwa rin ang sagot mo nang sabihin ko na kausapin mo ang kuya ko.

Hindi ko mapigil ang mapatanga sa tuwing naalala ko ang eksenang iyon, lalo na’t nalaman ko na hindi mo naman  nakausap sino man sa miyembro  ng pamilya ko o sa mga kapit-bahay natin. Salamat! Dahil nitong huling alis mo, isinigaw mo ang pangalan ko.