Dapat bang seryosohin, ang panliligaw ng Beking friend?

Dear Ate Jevs,

Magkaklase kami ni Pippo na kilalang bading sa klase. Galaw, porma at ugali alam kong bading talaga siya dahil nagkakasama pa kami sa mga lakaran. At pinakinaiinisan ko pa ‘yong pagtawag n’ya sa landline nung crush ko dati tapos ako ang sinabing tumatawag sa bahay nila.

Nagkaaway na rin kami siguro dahil sa projects, medyo nagka-clash kami  kapag nagmamatalino siya at ako naman ay  nagmama-angas hehehe. Pero sa kabuuan ay okay ang samahan namin kasama ng iba naming kaklase.

Lumipat po ako nung school at medyo naputol ang aming communication ng ilang buwan. Nagulat na lang ako nang makatanggap ako ng tawag mula sa kanya. Nililigawan po niya ako. Sabi ko sa kanya, eh di ba bakla ka? Niloloko mo ba ako?

Kayo po ano sa tingin ninyo?

Hershey

____________________________________________________

Dear Hershey,

Mahirap makita hindi lamang sa mata kundi sa kokote ang problema mo. Hindi lang kasi friendship ang isyu kundi ang pagkatao n’ya. Pero guapo ba, mabait, matalino, o yung tipong kaibig-ibig naman.  Pagnilayan mo rin as in maglakad-lakad ka sa baywalk, Manila Bay sa dapit-hapon o kaya ay umakyat ka sa Mt. Makiling ng nakatakong na sapatos. Baka maisip mo na kung aalisin mo iyong thought na bading siya ay magugustuhan mo siya.

Confirm mo rin talaga sa kanya kasi kamo sa phone pa lang kayo nagkakausap. Baka naman wrong number lang siya at pinagtripan na lang sa’yo sabihin yung linya sa iba.  O kaya naman baka naman mukha kang lalaki o tomboy, joke! Kung confirmed na confirmed, balik ka na sa step one.

Okinawa!

Ate Jevs

 

Violet Revolution

Hmmm, ayokong makisawsaw sa pamumukadkad ni BB Gandanghari dahil choice niya iyon. In a way, nakakatuwa siya kasi ang lakas ng loob niyang patayin si Rustom Padilla at parang nakaka-tense ito kasi hindi ko alam kung anong impact ang kanyang iiwan sa mga kabataan. Sa totoo lang, naisip ko talaga na reality show ba ito o hindi?  Pero,  malalim na usapin ‘yan at ayokong mag-dive!

Basta lately, para sa iba’t ibang isyu natutuwa ako sa mga bantog na personaliad na kilala sa kanilang pagiging binabae. I admire their sincerity and talagang kapag gagawa ako ng script gusto kong hiramin ang pamatay nilang mga linya.

Beauty expert Ricky Reyes to BB Gandanghari:

“Ang pagkababae ng isang bading ay dapat sa sarili lamang niya… ayoko ng bawat bading dito sa Pilipinas ay parang matsing sa hawla na pinaglalaruan at pinagtatawanan.”  (source: abs-cbnnews.com)

– Gandaaa mother, I like it! Ito hindi dahil sa sinabi niya kay BB ha, talagang panalo lang ang mga words.

Veteran and award-winning scriptwriter Ricky Lee to Nora Aunor and other artists:

“Optimistic akong tao. ‘Pag magaling ang isang tao, direktor man, artista, writer, at marami ka pang dapat i-share, gagawa ng paraan ang Diyos man, ang kapalaran o ang tadhana o ang lahat ng tao sa palibot mo para mai-share mo pa ‘yong kakayahan mo. Maraming mga tao ang tumutulong para makabalik siya at isa ako dun. May mga gumagawa ng paraan para makabalik at makagawa ng proyekto ang isang mahusay na aktres na tulad niya.” (source: gmanews.tv)

-alam n’yo ba na mahaba rin ang nagiging paglalakbay niya para maabot ang kanyang pangarap.  At sa ngayon ay tinatrabaho na niya na magkaroon ng foundation na mala- MOWELFUND para sa mga bagong writers at maging doon sa  wala na sa hanapbuhay.

Prolific and award winning scriptwriter-director Joey Reyes to Gay movie directors and producers:

“Ang paniniwala ko kasi riyan, sapat na ‘yong naging bading ako, and I just have to live with my homosexuality. Hindi ko na kailangang isapelikula pa ‘yon, o gawin sa pelikula ang mga paniniwala ko. Marami pa kasi akong ibang ideas na pupuwedeng gawin, na sa palagay ko, interesting na mapanood ng mga tao.” (source pep.ph)

-mukhang may punto rin naman si Dir. Reyes kasi nagiging trend na nga sa mga indie film ang topic about homosexuality.

Sa akin, wala naman ‘yan sa gender kundi sa personality or individuality ng isang tao.  Kung gusto mong irespeto ka, umakto kang karespe-respeto.  Hindi mo kailangan magpanggap, kung alam mong wala kang ginagawang masama.  Lahat naman tayo ay tao lang nangangapa sa mundong ito at kailangan makisama sa isa’t isa. Problema na ng iba kung panghihimasukan pa nila ang pribado mong buhay tapos huhusgahan ka.