…ay parang…

ang pag-ibig ay parang halaman, minsan nagbubunga ng maganda ang iyong tinanim pero may iba rin sira,  hilaw, at baog. depende rin ‘yan kasi sa pagkakabaon ng punla o buto.

ang pulitika ay parang swimming pool, ang mga pulitikong okay kinakaya ang sistema kahit parang  mamumulikat din. Yung mga ganid, sumisisid pa talaga at nilulunok ang lumot, laway at ihi doon. pag-ahon nila its either isa na silang palakang KOkak or bouncing buwaya.

ang showbiz ay parang hagdan, ginagawang tulay sa pagsikat at pagyaman. kapag mali ka ng hakbang sa ilalim ng tulay ang iyong bagsak.

ang pagtatrabaho ay parang pagba-bike, pedal-pedal para kumita, ingat-ingat baka sumemplang.

ang ispirituwalidad ay parang salamin, ipapakita nito kung ano ang eksaktong imahe mo- kung may kulang, kung magulo o kung pleasant naman.

ang pakikipagkaibigan o pakikipagkapwa ay parang plug, kapag hindi mo i-konek sa outlet, walang current.

ang pagkatao ay parang resume, ikaw ang magtatala ng iyong experiences, educational attantaiment, extracurricular activities, skills at references. nasa sa iyo na yan kung available ka upon request. well kung wala kang mailagay, batugan ka, pag punong-puno eh eddie addict ka sa mga kabagayan.

ang hoshilandia ay parang cruise ship, kung saan-saan naglalayag at baka hindi mo alam dadaong na ito saan man sa ibayong dagat.

Sa kabila ng lahat…a Hoshi’s monologue (season 2)

I

Ibang-iba ang mundo ng kolehiyo sa high school

Susukatin kung hanggang saan ang katatagan mo

…Sa mga professor na makunat sa grade

Sa mga gastusan sa iba’t ibang project

At sa mga kaklaseng sari-sari ang trip

II

Alam mo bang umabot sa nalulusaw ako sa upuan

Kapag recitation, kapag mababa ang quiz,

Kapag present si terrorista at  may payabangan

May iba kasi na over sa pagiging conscious…

Sa regulations, grades, fashions at latest trends

III

Marunong akong makisama pero hindi ang makisakay

Mahirap makipagsabayan kung ‘di mo kaya eh

At lalong-lalo na kung hindi mo talaga gusto ‘di ba?!

May time na-frustrate ako, “ganito ba talaga?

Parang matira ang matibay at wala kang karamay

IV

Buti na lang pinagtagpo tayo ng kapalaran

Pinagtabi ng upuan, Ay! ‘di pala medyo lang

Nagkaroon ng malalim ng pag-uusap tungkol sa

Anime, at ‘yon bongga na lagi ang aking aura

V

Maliban sa pag-attend natin sa mga conventions (anime)

Pagsasaw sa suka ng hotdogs sa Recto,

Pagkukulitan sa hallway, pedestrian lanes,

Pagpapanggap na nag-aaral sa library

O pagpapasahan ng t.l.c. letters at art works

VI

Masaya ako na maging kaibigan ka sa hirap at ginhawa

Sa kakengkoyan at kadramahan, sa gitna ng mamihan

At gotohan, hindi ng samalamig at pagpatay ng lamok.

Hindi ko makakalimutan na sa kabila ng agwat ng distance,

Time zone at height… friends for life si Cha-cha at Sakura

I thank you bow!

This monologue is brought to you by: Hoshi na bumabati ng

Happy Birthday kay Jennifer Syngkit!

friendship

Dear Ate Jevs,

Makailang beses ko na rin tinanong ang aking sarili kung mabuti ba akong kaibigan? Kung tama ba ang sinasamahan kong mga tao o kung ganun lang talaga ang takbo ng sinasabi nilang friendship?

Bakit sa tuwina naiisip ko na kung di ko man magawa ang perperkto o the best para sa mga tinatawag kong kaibigan, ginagawa ko naman ang magagawa ko para sa kanila? Bakit kahit ganun, natatagpuan ko minsan ang aking sarili na nag-iisa at mahirap silang malapitan? Kung di man malayo sila sa distansya, parang ang hirap talaga nilang imbitahan para ako samahan.

Pero mahirap lagi ang malungkot sa mga bagay na hindi mo basta mababago. Isinasantabi ko ang aking mga hinuha dahil alam ko marami pa akong dapat ipagpasalamat kaysa magtampo, na marahil ay baka likha lamang ng mapaglaro kong isipan.

Masaya ako na magkaroon ng kakilala at totoong mga kaibigan sa paglipas ng panahon. Sila ang ekstensyon ng aking pamilya at lalo ng aking sarili. Pero sinisikap ko ring maging ako at makayanang tumayo na mag-isa sa ilang pagkakataon dahil kailangan.

Subalit may limitasyon nga ang lahat, may mga taong humahamon talaga sa iyong pang-unawa at katatagan. Kung hindi sila malapit sa iyo, baka balewalain mo pero dahil itinuring mo silang barkada parang ang kirot nun ay tagos sa puso. Ano nga ba ang sangkap sa pagkakaibigan? Bonding time, word of honor, trust, loyalty or pagbibigay ng importansya?

May mga pagkakataon na napagtatanto ko na kung sino pa ang ‘di malapit sa iyo o iyong mga ‘di mo inaasahan ang siyang tutulong sa iyo sa kagipitan. Alam mong ang simple-simple pero ibang tao pa ang nakagawa sa iyo. Tingnan mo nga naman, ang kabutihan o pagiging totoong tao ay di lang nakasentro sa pagkakaibigan, pamilya, relihiyon kundi sa indibidwalidad.

Sumasainyo,

Lindsay Gohan

———————————————-

Dear Ms. Gohan,

Lalim naman pero may saltik sa kaibuturan ng banga. Sa sobrang lalim hindi ko na alam kung paano ko hahalukayin ang aking tugon. Jokeness!

Enwei, totoo na sa friendship ay hindi lamang yung puro the best ang nangyayari. At dahil hindi mga bagay ang mga kaibigan, mayroon silang emosyon at pag-iisip na maaaring hindi natin masakyan eventually. Maaaring masaktan ka at datnan (hindi ng period) ka ng kawalan ng tiwala sa friendship pero wag mong hayaan.

Malaki ang populasyon ng Pilipinas o maging ng buong Asia. Marami ka pang makikilalang tao na posibileng magiging matalik mong kaibigan. May positive attitude ka kaya pag-ibayuhin mo ‘yan. Anyway, mabuti o masamang kaibigan, ingredients pa rin sila para sa makabuluhan at colorful experiences sa life na ito. Mahirap naman talaga ang makahanap ng totong kaibigan pero kapag nakita mo sila maswerte ka talaga.

Smashingly cute,

Ate Jevs

Best friend, wer n u?

Dear Ate Jevs,

Kapag sumasapit ang Nobyembre, maraming petsa sa aking kalendaryo ang aking minamarkahan.  Subalit, ang date na 12 bagaman hindi ko na nilalagyan ng anumang tanda ay nagiging espesyal tuwing naalala ko ang isang tao na naging bahagi ng aking kabataan dahil iyon ang petsa ng kapanganakan niya.

Sa isang public elementary school po ako nag-aral  na nilalakad ko lang mula sa aming tahanan.  Maituturing kong pinakamasayang taon sa akin ay noong grade 4 ako. Ang sarap ng feeling ko noon dahil section 2 ako na kahit second priority lang sa mga bagong libro o bagong upuan ay napakamahayahay naman ng aming pag-aaral.

Inabot na rin ako noon ng tag-hirap sa public schools. Halos isang daan kaming estudyante sa isang classroom sa mga unang buwan at agawan ng upuan. ‘Pag late ka sa klase,  kung ‘di ka sa dulo ay sa labas ka na ng classroom makikinig sa iyong maestra.  Pero kahit ganon, ang saya pa rin dahil bago at matapos ang klase laro lang kami ng laro (siyato, habulan, agawan base, patintero, etc)

Isang araw, may mga bago atang transferees na napadpad sa aming section.    Walang maupuan ang iba, eh ako na may teritoryo sa pinakadulo ng first row, naawa sa isang maputi, mataba-taba at maliit na bago kong kaklase.  Ipinaupo ko siya sa tabi ko, kasi payat naman ako noon at mahilig na mag-seat hopping.  Eh napapansin ko na habang tumatagal parang ako ata ang ginagawang squatter nito.  Ang ginawa ko kumuha ako ng matabang dos por dos (isang part ng sirang upuan namin) tas inilagay ko sa pagitan ng upuan ko saka dun sa katabing upuan ko tas dun ko siya ipinaupo.

Hindi naman naglaon ay hinati na kami, napunta na sa ibaang section ang ibang kaklase ko.  Kaya okay na ang aming classroom, makakaupo na ang lahat. Isa sa naiwan na kaklase ko ay itong mataba, maputi at maliit kong ipinaupo.   Nagkakilala naman kami ng mas mahusay. Ang pangalan niya ay Maricar Briones at taga kung saang dako na mahaba-haba ang nilalakad  (Nung grade 5 na kami nagpunta na ako banda sa kanila, sos ang layo! Para kong inkot yong Quezon City Memorial Circle).

Ang nanay niya ay domestic helper sa Hong Kong (not sure) at ang ama lang niya, na may trabaho rin, ang kasama nila.  Siya ang panganay sa  kanilang apat na magkakapatid. Bago  at pagbalik niya ng bahay ay siya na ang nagluluto. Siya na rin ang naglilinis,basta lahat! Pati nga pagpunta sa mga eklabu ng mga nakababatang kapatid niya sa school ay siya na ang nag-aasikaso. Lahat ng iyon sa edad na 10  taon. (Hmmm mas bata nga pala ako sa kanya hehehe…wala masabi lang).

Ang bag niya na tahi daw ng nanay niya ay grabe ang laki.  Pwede na siyang magbiyahe pabalik ng probinsya nila. Paano lahat ng libro namin dinadala niya.  So kung mayroon kaming sampung volume na encyclopedia lahat yun binibitbit niya mula doon sa malayong bahay nila papapuntang school. Wala pa roon yong baon, notebook at mga anik-anik niya. Naawa naman ako kaya, nagkasundo kami na share kami sa pagdadala ng book. Dadalhin ko lang yung limang book namin tas sa kanya yung iba pa. Hayun doon na ata kami naging mag-best friend talaga.  Sa kanya ako nanghihingi ng baon (hahaha!) tas nililibre ko siya MINSAN ng isang plastic ng santol / mangga/ dalandan, isang stick ng kamote -Q (mas favorite ko talaga ‘to), o kung ano mang chihcirya sa labas ng school.   Mura lang naman yun sa labas di ba? Hindi pa panis, ‘yon nga lang pwedeng marumi.

Naging magkaklase kami ulit noong grade 5 and grade 6 na kung saan section 1 na kami. Langya, kung komportable ako sa section 2 para naman ako castaway sa “Survivor” doon.  Nandoon ang matatalino, nagtatalino-talinuhan, mga feeling at stars ng school. Kung di ko classmate si Maricar plus ang iba pa naming barkada naku baka nawindang na ako.  Eh terror pa ang mga teacher, parang perfectionist parang utang na loob ko pa na makapasok doon.

Hay nasaan na kaya siya ngayon? Huli ko siyang nakita noong birthday ko noong second year high school na po kami ( magkaiba na kami ng school)  At hanggang  ngayon kahit hindi na kasya sa akin yung damit na  iniregalo niya sa akin ay itinatago ko rin sa cabinet ko.

Delilah Babaji

Dear Delilah,

Saya talagang balikan ang memorya ng ating kabataan.  Masuwerte ka na nakatagpo ka ng kaibigan sa isang simple pero makulay na pagkakataon. Nawa’y magkaroon ng pagkakataon na muli kayong magkita at magkaroon ng komunikasyon.

Ate Jevz

Through the years… barkada

CMC ito ang name ng barkada ko.  Siempre may ibig sabihin ‘yan at bahagi ng aming pact noon na kami lang ang nakakaalam ng ibig sabihin niyan.

Sabi nga nila, marami kang makikilala at makakasama pero iilan lang ang masasabi mong mananatili at magiging tunay mong kaibigan. Kadalasan, may ituturing tayong best friend, special friend, close friend at kahit na boy/girl friend, pero iba pa rin kung mayroon kang isang barkada. Barkada na binubuo ng magkakaibang persona pero magkakalapit ang damdamin.

Maswerte ako na nagkaroon ako ng barkada na alam kong nariyan palagi at naglalaan ng oras basta’t libre sila. Malaking bagay ang time and communication to aflame the friendship. Of course sahog na rin diyan ang trust, care etc.  Kahit halimbawa, na hindi ko na sila nakikita basta nagparamdam sila okay fine pa rin.

MAGKAKATABI kami nina Che at Maya dahil alphabetical ang sitting arrangement namin noon.  Pero kahit dapat pinaggigitnaan ako nung dalawa, sila lagi ang halos nagtatabi kasi itong si Che (na hayop ang pagkaputla ng balat), parang sakitin at may phobia sa ibang tao.

Akala nilang dalawa, at halos lahat ng classmate ko supladita ako at seryoso sa buhay.  Sa bagay, ganun talaga ang gusto kong packaging (may ganun) ng image ko parang defense mechanism baga kasi transferee ako from a public school.  Di nagtagal lumabas ang tunay naming kulay ni che. Ako na seryoso raw ay lukaret pala at ito namang si Che na mahiyain kuno eh sos nakikipagbangayan pa talaga sa mga lalaki.

Siguro one of the significant things na nangyari sa akin nung high school ay nung mabuo na ang grupo namin noong August 26, 1996. Sari-saring grupo na kasi meron sa school namin, may mga honor students,  famous sa campus at mga loko-loko, kaya naisip namin dapat kami rin. Hinila namin si Grace na matagal ng kaibigan ni Maya para sumali sa amin .

Anong special sa amin? Priority namin siempre na tulungan ang isa’t isa. Si Cherime napaka-generous niyan, basta meron siya magbibigay ‘yan. Every time na wala akong costume, sa kanya  ako lumalapit. Kahit na seksi ng katawan niya,  pinagkakasya ko pa rin ang chubby kong katawan sa damit niya. Si Maya naman na famous sa hindi pagpapasok ng kahit sino sa bahay nila ay mapagpakain naman. Umaabot na yata sa point na mga kutsara’t tinidor na  lang ang baon namin ni Che kasi alam naming pakakainin kami ni Maya. ( hahaha dapat pala PG name namin) .

Si Grace naman kahit kimi ‘yan eh nakikipaglaban kapag may isa sa aming apat ang nalalagay sa alanganin. Generous din iyon basta may maitutulong at expressive sa kanyang mga nararamdaman.

NGAYON may kanya-kanya na kaming life at kanya-kanyang laban sa buhay. Minsan,  hadlang talaga ang mga pagbabago pero ganun talaga tao kami na kailangang mag-grow sa piling ng ibang tao. Pero magkagayon man, alam namin na parte na ng buhay namin ang aming barkada at ang aming pagkakaibigan.

Happy 12th Anniversary CMC!

%d bloggers like this: