Pinoy, masuwerteng matalino o masuwerteng madiskarte?

Isang araw tinanong kami ng aming college professor kung ano ang motto, battlecry o islogan namin sa buhay. Marami akong kaklase na nagsabi ng seryosong sagot na puwedeng pamosong quote o inimbento nilang islogan. Pero nung ako ang tinanong ang sabi ko ay “It’s smarter to be lucky than it’s lucky to be smart.” Nagtawanan ang ilan sa mga kaklase ko lalo na nung malaman nila na kinuha ko ‘yon sa anime program na “Samurai X.”

Puwedeng katawa-tawa nga ‘yon pero seryoso talaga ako sa sinabi ko. Buti na lang pinagpaliwanag ako ng aming professor kung bakit ‘yon ang islogan ko.

Nakakalungkot kasi isipin na kapag mahirap ka na nga, minamaliit ka pa.  Hindi ka na nga nakapagtapos ng pag-aaral o hindi katalinuhan, ipamumukha pa sa’yo na hanggang d’yan ka na lang.  Napakatindi nang paghanga ng marami sa matatalino at mayayaman. Wala namang masama doon, ang masaklap ay iyong mawalan ka ng pag-asa kasi ito ka lang.  Hinalimbawa ko ang buhay ni Manang Juling at ang kilala kong mag-asawa na mula sa mayamang pamilya.

Si Manang Juling ay isang probins’yanang namasukan bilang katulong. Sinikap niyang pag-aralin ang kanyang sarili habang nagtatrabaho. Hindi nga lang niya naipagpatuloy ito dahil siya ay nakapag-asawa at naging sunud-sunod ang kanyang panganganak.

Samantala, ang mag-asawang aking kilala ay nagtanan at bumuo ng pamilya. Hindi lang klaro sa akin ba’t sila nagtanan, puwedeng dahil buntis si babae o ayaw ng magulang nila sa kanilang pagsasama. Ang maganda lang ay pareho na silang patapos sa pag-aaral noong panahon na ‘yon.

Sa dalawang halimbawang binanggit ko, madaling sabihin na napakalaki ng tsansa ng mag-asawa na magkaroon ng komportableng buhay. Lalo pa nga’t ‘di naglaon ay tinanggap din ang kanilang relasyon ng kani-kanilang pamilya. Habang si Manang Juling ay nabalo nang walong taon pa lamang ang kanyang bunso at pansampung anak.

Pero ang nangyari, naging pala-asa sa tulong ng kanilang kamag-anak ang mag-asawa kasama na rito ang pagpapa-aral sa kanilang mga anak. Samantalang si Manang Juling ay nagsumikap na buhayin at pag-aaraling mag-isa ang kanyang mga supling sa pamamagitan ng pagpasok sa kahit anong hanap-buhay na marangal.

Napagtapos ni Manang Juling ang kanyang mga anak. May naging lisensiyadong dentista, nurse at Med Tech (medical technician). Mayroong ding nagtapos ng banking and finance, HRM (Hotel and Restaurant Management) at vocational courses na nagawang mangibang bansa dala ang kanilang lakas ng loob at kakayahan.

Maaaring sa simula ay may mga taong parang pinagkaitan ng tadhana at wala silang potensyal na umasenso sa buhay. Subalit, sino nga bang makapagsasasbi kung ano ang mangyayari bukas? Lalo pa nga’t wala namang ginagawa para magkaroon ng magandang kinabukasan.  Para sa akin, sa diskarte, positibong pananaw at determinasyon nating mga Pinoy tayo nagiging suwerte at hindi sa katanyagan, katalinuhan o kayamanan lamang.

Nakumbinse ko naman ang aking professor at mga kaklase sa aking paliwanag. Hindi naman na nila ako pinagtawanan bagkus ay may ilan pa ngang binati ako, lalo na noong sabihin ko na akong kaklase nila ang pansumpung anak ni Manang Juling.

%d bloggers like this: