Favorite comfort food: 30 OF 31 DAYS BLOG CHALLENGE

Alam n’yo bang isa sa mahirap na i-blog para sa akin ay pagkain. Una, hindi ako ganoon ka- adventurous sa pagkain. Hindi ako mahilig sa gulay at may allergy ako sa shellfish.  Pangalawa, kuripot ako hehe! Pero, nung makaluwag-luwag na ako nang konti at nag-come out of my shell (mabanggit lang) ay nakasubok-subok naman ako mag-level up from food stand to highend resto (pag may coupon/ promo?). Teka ano ba talaga, meaning ng comfort food? Hoho!

Champorado –  pinaka-instant na comfort food ko.

Leche Flan –Ma-dessert akong bata, nung naging babae ako este nag-dalaga ay medyo hindi naman lahat ng sweet ay papatulan ko. Ilan sa natirang hindi ko palalagpasin ay ice cream, ube halaya at leche flan.  Ang tangi kong natutuhan na gawin na dessert (kung di kasama ang polvoron) ay leche flan.

Ice cream – halos kahit anong flavor at minsan kahit  maulan o malamig mag-a-ice cream ako. Nitong linggo lang (Sept 4) basang-basa ako sa ulan pero nung nananghalian ako sa gutom, nag-order pa rin ako ng sundae.

Egg Sandwich – Ito na ata ang alam kong iba at pinakamadaling gawing sandwich spread.  Natutuhan ko ito sa ate ko.

Tokwa’t Baboy – Hindi ako umiinom at naninigarilyo kaya kapag may nag-alok  ang hihingin ko ay pulutan. kakaganyan ay nahilig na ako sa Tokwa’t baboy pero kahit tokwa lang solb na ako.

Fried chicken – Hindi naman ako ganung maarte  sa brand, pero siempre may pagkakaluto na halos hindi mo makain.  Isa sa murang nagustuhan kong friend chicken ay iyong sa Mini Stop.  Pero dati may nabibilhan kami sa kanto na kay sarap ng sawsawan na suka.

Siomai – Fried or steamed  with or without rice kakainin ko.

French Fries with Gravy– Favorite ko ang combo na ito sa lahat. pero dati nagustuhan ko rin yung cheesy something ng Jobee. Pero sa ngayon mas gustong-gusto ko ang Mojo ng Shakey’s

Cheeseburger/ Pizza/ Cheese– Minsan pag napapa-crave anything na lang na may cheese gaya ng cheese burger,  pizza, at one na  out of nowhere ay nag-sky flakes ako  na nilagyan ko ng tuna (vegetable oil) + cheese

Kakanin – Maraming kakanin ang gusto ko at kasama na d’yan nga ang halaya, pichi-pichi, sapin-sapin,  nilupak, at okoy (di ako sure kong yun ang tawag). Gustong -gusto ko rin ang espasol (kung kakanin nga ba ito).

 

Noodles/ Mami – Hindi ako mahilig sa pansit at minsan lang din ako makakain ng spaghetti pero  pag nagutom or nag-crave gusto ko rin talaga ng mag-noodles lang.

SISig – ang ate ng Tokwa’t Baboy at Bopiz for me.

Doughnut  – Favorite ko  so far ang Quezo Duo (Choco Nirvana) ng Dunkin at Al Capone ng J.Co

10 Favorite Foods: 7 of 31 Days Blog Challenge

Believe me gustong-gusto ko ang maging food blogger pero ang pumipigil sa akin ay sarili ko rin kasi hindi ako ganun ka -adventurous sa pagkain. Piling-pili ang kinakain kong gulay at may allergy ako sa seafood gaya ng lobster at alimango. Magkagayon pa man, narito (in no particular order) ang mga pagkain na nagpapakalimot sa akin sa word na “diet:”

  1. Pesto Pasta – mahina ang tyan ko sa carbonara pero surprisingly kahit di ako mahilig sa gulay ay gustong-gusto ko ang Pesto Pasta. Una akong nakatikim nito sa World Chicken (Megamall) tapos nasarapan ako kaya nagta-try ako na sa iba’t ibang resto, okay din naman iyong sa Amici at Old Spaghetti House. Kapag lutong bahay ang request ko ay Pesto Pasta Tuna.Pesto Pasta
  2. Macaroni Salad – Grade 3 ako nang unang makatikim ako ng Macaroni Salad iyong ma-mayonnaise kaysa magatas. Bibihira ako makatikim ng gustong-gusto kong pagkakaluto at so far ang lagi kong nao-orderan nito ay sa Tropical Hut.
  3. Sisig– Ito yung default kong in-order kapag wala akong mahanap na iba sa menu book. Marami-rami naman ang nag-o-offer ng masarap na sisig sa iba’t ibang lugar pero yung naaalaa ko dinadayo ay iyong sa Ay See’s sa tapat ng Ultra.
  4. Green Salad with Ceasar sauce – nakapagtataka rin na magustuhan ko ito, pero oo gusto ko ng dahon na gulay. Paborito kung bilhan ang Wendy’s (‘ pag may anda) at   Tropical Hut ( pag napagkasya), pero ang una kong napagkainan nito ( sa may Convergys Capitol QC) at masarap talaga ay sa Pancake House.
  5. Clubhouse – Isa rin ito sa halos inorder ko lang sa Tropical Hut lalo na pag sawa na ako sa rice meals. Pero lately nasubukan ko rin iyong sa Chilis, iyon talaga ang nakakabusog!
  6. Ice Cream -– oh well basta ice cream sarap na sarap ako pero sa lahat ng flavor ito ang mga gustong-gusto ko: Selecta’s Choco Hazel Nut, Presto’s Mocha flavor, Wendy’s Frosty, and McFlurry Oreo.
  7. Champorado – ito ang pinaka-classic at favorite kon food. Pero kailangan masarap ang pagkakaluto – okay na iyong sa Max’s at Tapa King ( of course mahal lang)
  8. Bopiz/ Tokwa’t Baboy – Dahil hindi ako umiinom, Tokwa’t Baboy na lang ang hinihingi ko sa mga manginginom hanggang sa nagustuhan ko na nga. Madalas akong umorder nito sa Chowking at Goto King. Iyong Bopiz, ka-alternate ng Sisig para sa akin.
  9. Pizza/ French Fries/ Mojo – Sa pizza gusto ko ang four cheese sa Gotti (Atrium, Megamall) pero may mga trip din naman ako sa Sbarro at Yellow Cab.  Hindi naman ako actually maselan sa pizza kahit pa yung sa  Pizza  Hut, Shakey’s , Greenwich o sa kanto lang.  Sa French fries mas bet ko ang sa Wendy’s at sunod na lang sa  Pero di  bale nang walang pizza at French fries, basta may mojos  at handa akong gumastos para dun hehehe
  10. Chocolate – di ako mahilig ako sa cake pero  kung chocolate flavor kakain ako. Kapalit ng kape ay hot choco for me lalo na yung gawang tablea.  Favorite kong chocolate bar ay  Cadbury and Kitkat.

umagang kay sarap

Ang hirap talagang gumising lalo na kapag malamig ang panahon.  ‘Yong kama ko parang may magnet at ayaw akong payagan na tumayo o umupo man lang. hahaha!  (Magkagayon man, ito  ang pinakagusto kong lagay ng panahon na hindi gaanong maulan at hindi mainit masyado.)

Pero dahil isa akong responsableng indibidwal (responsible daw o!) kailangan kong bumangon.  Ano nga ba ginagawa ko para matanggal ang antok ko? ‘Pag trip ko, stretching muna saka konting exercise. Padaluyin baga ang mga dugong bughaw sa aking katawan. Siempre dala-dala ko na parati ang aking cell phone para may background music naman. (Malabo na kumanta na lang ako kasi mas ginaganahan akong  mag-concert sa loob ng CR.)

Ngunit ang isang basong kape o kahit maligamgam na tubig ay pwede ng pampadilat konti sa aking namumungay na mga mata.

tuyo at itlog
simpleng umagahan - daing, pritong talong (with sawsawang suka) at noodles

Subalit, a-agree kaya kayo na iba ang umaga pag masarap ang kain ninyo?  Iyong kahit hindi mahal at magarbo ang agahan mo ay gaganahan ka. Noong bulinggit pa lang ako,  marami akong kinahiligan na umagahan.  Iyong tipong  kahit inaaraw-araw ko ang pagkain ay hindi ko pa rin pinagsasawaan.

Una na roon ay ang Taho.  Maraming nagtitinda ng taho sa amin pero may isa akong kilalang magtataho na sa kanto pa lang ay UMAALINGAWNGAW na ang kanyang boses. Hindi kaya dati siyang UMALAHOKAN sa past life niya?

Sunod naman doon ang hopiang monngo sa tindahan nina Baby Tsina.  Kahit minsan masungit si lola at ang mga apo niya sa pagtitinda sa akin, bili pa rin ako ng bili.  Minsan, naaasar din sila sa akin dahil pabaliik-balik ako sa pagbili ng tinging keso o coco jam nila. Pero pag tinanong nila kung kanino ako anak, may dagdag na iyong  hiwa at takal. Hehehe.

27-07-08_1916
Champorado and tinapa

Siempre hindi mawawala sa listahan ang all time favorite ko na Champorado.  Kahit kasing laki pa lang ata ng kit chain ang mga talampakan ko, ang layo na ng nararating ko makabili lang ng champorado.  Pero the best sa lahat ay yung luto ni Aling Guia.  Ang sarap-sarap lalo na kapag nilalagyan niya ng gatas (mas type ko pag powder).  Alam ba ninyo na astig yang si Aling Guia, nakapag-abroad na at nakapagpagawa pa ng apartment. (nakatulong yung palima-limang pisong mangkok ko. Hehehe)

Sa ngayon, ganado ako sa homemade peanut butter ni ate marivic. Pwede kong itapat  iyon sa isa ko pang favorite na peanut butter na gawa ng isang sikat panaderia ng pandesal. Dahil homemade, talagang gawa iyon sa peanut ‘di gaya ng ibang nabibili pa man din sa grocery na may halo. Hehehe.  Iyong presyo niya sulit  naman.

Pag trip nyong bumili, comment lang kayo sa akin. Para ma-try ninyo. Hehehe. Yong picture to follow.  Gusto ko lang tulungan iyang  si ate amrivic ko na umuwi ng Dubai dahil sa kailangan niyang magpa- therapy sa  likod.

Hay!  Isa pang tanong, ano ang mas gusto ninyo- sobra o kulang sa tulog? (wala makatanong lang.)

Champorado

Champorado  

Gustong gusto ko ang Champorado,

Hainan mo man ako ng pancit, spaghetti o palabok

Iyon pa rin ang pipiliin ko.

Simple man ang aking paborito

Metikulosa ako sa lasa nito

Kahit nga luto ni Manang Juling, hindi pumasa sa panlasa ko

Ang memorable na champorado na natikman ko?

Ang limang pisong ga-mangkok  ni Manang Guia

Maraming cocoa, tama ang tamis, gumamit ng malagkit at

Higit sa lahat may gata ng niyog

Malinamnam din yun dahil pinolbos ng gatas

Ngunit wala na si Manang Guia, (nasa abroad na no!)

Bihira na rin ang nagtintinda

Kung meron man, naku di ganun kasarap

Sinubukan kong maghanap ng ibang pagkain

Napagtripan ko ang taho, hopiang monggo, kutsinta

Pati na ang bibingka

Pero wala pa ring pumalit sa Champorado

Bakit ba ako takam na takam sa pagkaing ito?

Aking naalala kapatid kong nasa ibang bansa na

Lagi niya akong ipinagluluto ng lugaw na binuhusan ng Ricoa

Para kumain ako… dinadamihan niya iyon ng asukal

Sa halos ganun ding luto ako ipinapakin ni Manang Juling

Ang sa kanya ay bahaw na kanin na bubuhusan niya ng…

Isang tasang mainit na mainit na Milo.

Isang araw aking napagtanto, hindi ko na gusto

Ang ipinapakain nila sa akin

Anung sustansiya ang makukuha ng noo’y

Patpat kong katawan

“Nay ba’t ba lagi na lang Milo ipinakain n’yo sa akin?”

Tanong ko kay Manang Juling

Wala siyang masagot, pero naintindihan ko

Wala  naman akong makakain na iba

Maging ang namayapang si Mang Celing

Mayroon din iniwang alala sa akin

Pinakain niya ako ng  manit na champorado

Nang panahong nilalagnat ako dahil sa isang aksidente

Hay kailan  at saan ako makakain ng masarap na champorado?

   from KitchenCow...