You tokneneng!

Isang araw na nag-break kami, napabili ako ng piniritong siomai. Sakto lang yun na pamatid gutom at pambara sa bibig ko na naghahanap ng maalat o maasim na pagkain.

Pero sabi ng kasama ko dun na lang kami sa underground na kainan. Sinamahan ko siya pero dahil may siomai na ako at biniling iced coffee ay wala na akong balak na bumili ng pagkain. Okay na sana ang plano kaso nakakita ako ng tokneneng o yung itlog na nilaga at isinawsaw sa harinang may artificial color na orange saka  ipinirito.

Hindi na ako gaano nag-isip bumili ako kahit isa lang. matagal na kasi akong hindi kumakain nun, since high school pa ata.  Ang madalas ko kasing naiispatan ay yung kwek-kwek (na itlog naman ng pugo ang bida). Pero actually mas gusto ko pa rin ang huli kesa sa una, nagkataon lang na na-food trip ako.

iced coffee and tukneneng
iced coffee and tukneneng

Nag-aalala ako sa combination ng iced coffee at tokneneng baka kasi mangasim naman ng todo ang tiyan ko pero carry naman.  At sa gitna ng binagoongan ng aking kasama at tokneneng ko ay nananiriwa sa aking alaalala na napilitan akong kumain ng tokneneng nang hindi dahil sa pagtitipid o gutom.

For the first and last time, nag-cutting class ako nung high school para mapanood ang ending ng Zenki. Partida may quiz pa raw kami noon sa Math pero dinedma ko kahit natatakot ako. Tiyak naman palakol ni Diva ang makukuha ko ron eh. Hehehe (babala sa mga estudyante: huwag gagayahin para hindi maging itlog ang iyong mga grades.)

Pagdating ko sa eatery na may TV, nagkukumpulan na ang mga estudyante na pwedeng nag-uwian na o tulad ko ring takas. Parang majority ata nang nandoon ay mga naglalakihang lalaki eh. Pero queber hindi ko isasakripisyo ang grade ko sa Math para magpapatalo ako sa kanila.   “Kawawa ang haharang sa akin” hehehe.

Hmmm kailangan ko makabili ng pagkain para makaupo ako o di kaya ay makakuha man lang ng magandang pwesto. eh kulang ang budget ko, kaya naisip ko umorder ng makahel-kahel (orange) at mainit na tokneneng na inilagay sa maliit na mangkok. Saka ko nilagyan ng suka na may sili at sibuyas.

Noong una nakatayo ako pero ipinakita kong nahihirapan ako sa pagkain tas nanood pa. “Ay ay naku baka matapon ko itong suka naku-naku.” In the end pinaupo ako nung nakaupo na lalake na nasa harapan ko. hehehe.

Back to present, wala namang nangyari sa tiyan ko at tiwala naman ako sa pinagbilhan namin na kainan.  ‘Yung siomai ipinasalubong ko na lang sa kuya ko na ang sabi “ay ay walang toyomansi?”