Tambay sa inuman

Nadatnan ko ang mga kabarkada ng kuya ko na nag-iinuman dahil nagse-senti raw ang ilan sa kanila.

Ang isa sawi sa pag-ibig

Isa  naman nag-a-unwind sa stress  niya sa trabaho

Ang isa bagong sweldo kaya panay ang yabang sa painom

Habang ang isa roon na noon ko lang nakita ay mukhang napadaan lang at nakikiinom ng libre. Hehehe!

Okay naman kausap sila kahit ‘di ko pinapansin sa normal na araw (hahaha), lalo na ‘yong sawi sa pag-ibig.  Na-realize ko na iba pala ang pagkakakilala ko sa kanya.

Yung nag-a-unwind, kala mo binata pero hindi naman

Asensado na yung nagpapainom eh dati naman katulad siya nung isa na parang napadaan lang. hehehe

marieEh bigla kong may naisip… gaganito –ganito sila ngayon na hinahanap ay alak, babae, karera, at makalibre pero malamang lahat sila ay tinikman ang Marie.

Through the years… barkada

CMC ito ang name ng barkada ko.  Siempre may ibig sabihin ‘yan at bahagi ng aming pact noon na kami lang ang nakakaalam ng ibig sabihin niyan.

Sabi nga nila, marami kang makikilala at makakasama pero iilan lang ang masasabi mong mananatili at magiging tunay mong kaibigan. Kadalasan, may ituturing tayong best friend, special friend, close friend at kahit na boy/girl friend, pero iba pa rin kung mayroon kang isang barkada. Barkada na binubuo ng magkakaibang persona pero magkakalapit ang damdamin.

Maswerte ako na nagkaroon ako ng barkada na alam kong nariyan palagi at naglalaan ng oras basta’t libre sila. Malaking bagay ang time and communication to aflame the friendship. Of course sahog na rin diyan ang trust, care etc.  Kahit halimbawa, na hindi ko na sila nakikita basta nagparamdam sila okay fine pa rin.

MAGKAKATABI kami nina Che at Maya dahil alphabetical ang sitting arrangement namin noon.  Pero kahit dapat pinaggigitnaan ako nung dalawa, sila lagi ang halos nagtatabi kasi itong si Che (na hayop ang pagkaputla ng balat), parang sakitin at may phobia sa ibang tao.

Akala nilang dalawa, at halos lahat ng classmate ko supladita ako at seryoso sa buhay.  Sa bagay, ganun talaga ang gusto kong packaging (may ganun) ng image ko parang defense mechanism baga kasi transferee ako from a public school.  Di nagtagal lumabas ang tunay naming kulay ni che. Ako na seryoso raw ay lukaret pala at ito namang si Che na mahiyain kuno eh sos nakikipagbangayan pa talaga sa mga lalaki.

Siguro one of the significant things na nangyari sa akin nung high school ay nung mabuo na ang grupo namin noong August 26, 1996. Sari-saring grupo na kasi meron sa school namin, may mga honor students,  famous sa campus at mga loko-loko, kaya naisip namin dapat kami rin. Hinila namin si Grace na matagal ng kaibigan ni Maya para sumali sa amin .

Anong special sa amin? Priority namin siempre na tulungan ang isa’t isa. Si Cherime napaka-generous niyan, basta meron siya magbibigay ‘yan. Every time na wala akong costume, sa kanya  ako lumalapit. Kahit na seksi ng katawan niya,  pinagkakasya ko pa rin ang chubby kong katawan sa damit niya. Si Maya naman na famous sa hindi pagpapasok ng kahit sino sa bahay nila ay mapagpakain naman. Umaabot na yata sa point na mga kutsara’t tinidor na  lang ang baon namin ni Che kasi alam naming pakakainin kami ni Maya. ( hahaha dapat pala PG name namin) .

Si Grace naman kahit kimi ‘yan eh nakikipaglaban kapag may isa sa aming apat ang nalalagay sa alanganin. Generous din iyon basta may maitutulong at expressive sa kanyang mga nararamdaman.

NGAYON may kanya-kanya na kaming life at kanya-kanyang laban sa buhay. Minsan,  hadlang talaga ang mga pagbabago pero ganun talaga tao kami na kailangang mag-grow sa piling ng ibang tao. Pero magkagayon man, alam namin na parte na ng buhay namin ang aming barkada at ang aming pagkakaibigan.

Happy 12th Anniversary CMC!

Because you are my friend

last week nag-blog hopping ako… nakakatuwa iyong mga posts na nakaka-inspire lalo na iyong na kay beauty 80 at ito na nga ang isa…

Because you are my friend,
my life is enriched in a myriad of ways.
Like a cool breeze on a sweltering day,
like a ray of sunshine parting glowering clouds,
you lift me up.
In good times, we soar,
like weightless balloons
over neon rainbows.
In bad times, you are soothing balm
for my pummeled soul.
I learn so much from you;
you help me see old things in new ways.
I wonder if you are aware
of the bright seeds you are sowing in me.
I’m a better person for knowing you,
so that everyone I interact with
is touched by your good effect on me.
You relax me, refresh me, renew me.
Your bounteous heart envelops me
in joy and love and peace.
May your life be filled
with dazzling blessings,
just as I am blessed
by being your friend.

—–

naniniwala ako na ang mga taong nakakasalamuha natin, lalo na iyong mga nagiging kaibigan natin ay isang salik para mahubog pa natin ang ating pagkatao. Unconsciously, nag-iiwan sila ng marka na maaaring mapansin lamang kapag wala sila sa ating tabi. Pwede rin kapag naka-LBM sila.

Like si Avi, sa pagsusulat ng blog at kung “late ka, late ka”

Leng-Leng– mag-scrapbook at mag-order sa Dells

Obet– magbawas ng ipo-proof, maging organisado sa mga red marks (kaya ngayon gamit ko violet na. hahaha!)… kape tayo kouya !

Ate tet – mag-file ng OB at paano humawak sa motor kapag nakaangkas…

Tonet – kailangang may mga theme sa mga bagay, pagiging focus sa monitor at maging “ pink & mint green.”

Ka Ver – mag-aral ng mga kabagayan sa computer at maging bukas sa hamon ng “green revolution.”

Kay Bruno – na kapalit ni chunkee na laging naghahatid at nag-aantay sa pag-uwi ko sa bahay. Sabay na ikinakampay ang buntot sa paggalaw-galaw ng tenga niya.

Kay kitkat – na kahit walang makain, mahilig pa ring magpabuntis sa mga pusakal na kapit-bahay namin. Talagang iminimulat mo akong pusa ka!

CMC barkada ko – na kahit nauso na ang anime, asianovela at pagba-blog eh tinitiis ang ka-weirduhan at kabaduyan ko.

Jen Syngkit – kahit isa kapang di nagbabasa ng blog at wala akong mahihitang comment sa iyo eh. Kadamay kita sa pagiging kuripot kahit nasa divine at recto pa tayo

Edlyn – girly-girly man at maraming problema, laban pa rin.

Kristy masaya ang magpuyat sa Jollibee UP-Philcoa na ang kinakain ay jolly cheesy fries at ipahayag ang iyong artistic side.

Venus – ang magsimba ng tuwing linggo at maging open-minded sa relasyon (wahh!)

Mga ka-Pink Panther ko – maaarte man ang iba sa inyo , eh nagkasundo naman tayo. Pwede pa lang ipatuka sa nguso ng isang basong kupita ng wine ang isang kalamansi.

Iyong iba kong friends (marami pa naman eh) basahin nyo muna blog ko… hahaha.. bago ko kayo mabanggit. Pakapalan na ito… pwede naman mag-edit eh. Hehehe. doon naman sa iba… ayokong magbigay ng comment kong wala rin naman akong masasabing maganda.. iisip muna ako ng magandang linya.

Basta maraming salamat sa mga kaibigan ko dahil marami akong natutuhan. Sana marami pa akong maging totoong kaibigan sa hinaharap!

Dungaw, a Puppy Love fiction (pu-fi)

Warning: mahaba ‘to, e kwento nga e

 

I.

 

Noong una wala ka lang sa akin, suplado ka kasi, minsan lang lumabas ng bahay at magkaiba ang henerasyon natin. Ako naman ay abala pa noon sa pakikipaglaro, lalo na sa mga nakababata mong pinsan. Pero, isang araw bigla mo akong tinitigan at tayo’y nagkausap. 

Dahan-dahan sa pakiwari ko’y nag-iiba ang trato natin sa isa’t isa. Palagi ka nang nakatambay sa harap ng bakuran n’yo, habang ako’y palaging napapadungaw sa bintana namin. Unti-unti nagugustuhan ko ang pagiging tahimik mo, ang ‘di mo paghuhubad ng T-shirt kapag nagba-basketball, ang itsura mo na laging mukhang presko kahit pagod. Maging ang pag-iwas mo sa mga inuman at ‘di paninigarilyo,  pagbabasa ng diyaryo at pagpapatugtog ng radyo. 

Alam mo bang napakasaya ko noong batiin mo ang pagsasayaw ko kahit parang  palpak naman  ang  nagawa ko.

 

II

 

Napangiti ako nang malaman ko na marami pala ang nagkakagusto sa iyo. Akala ko nga may nagustuhan ka sa isa sa mga kabarkada ng ate ko. Bigla-bigla hindi ka na lumalabas sa inyong bahay at nawala na rin ang alingawngaw ng iyong radyo.  Napansin ko na lang din na palagi akong niloloko ng kuya mo noong mga panahon na iyon.  Sila ba ang patalastas ng ating kwento?

Isang okasyon, nagulat ako dahil sumama kang makikain sa amin.  Sa bigla ko nga ay para akong naging istatwa at namula ang aking mukha. Kahit gutom ako nun, mas pinili ko ang maglagi sa kwarto

Naalala ko rin noong gabing ‘yon ay nagmamadali kang umuwi. Akala ko nataranta ka rin dahil bigla akong lumabas, iyon pala nahiwa ang daliri mo ng salamin ng mesa namin. Ang cute, namula ka rin nang magtama ating mga mata.

 

III.

 

Minsan umangkas ako sa tricycle ng kaklase kong lalake para maihatid malapit sa bahay namin.  Kung ano ang saya ko sa biyahe, iyon naman ang simangot ko noong makita mo akong bumaba ng tricycle. Nanginig ata tuhod ko noong tumayo ka at umalis. Tama nga ang song mo sa akin, “Isang Tanong, Isang Sagot” type ba natin ang isa’t isa?  

Pero mas nalungkot ako nang malaman ko na maninirahan ka sa ibang bansa.

 

IV.    

 

Ilang taon ang nakalipas, wala ng balita sa iyo at abala na rin ako sa ibang bagay. Isa sa inaayawan ko noon ay ang mamalagi sa tindahan namin, pero minsang abala ako sa pagnguya ng chichirya ay narinig ko na lang boses mo.

“Hi Hoshi!” bati mo sa akin. Noong araw na iyon, parang lalo kang gumawapo at hindi ako nakaimik. Sabi mo “hindi mo na ako kilala?” Kunwari, kinikilala kita pero sa totoo lang alam kong ikaw na ‘yon. Pero, ang mahirap sa iyo puro ka pagbati  at hindi ka marunong magpaaalam, lalo na nung muli kang umalis.

 

V.

 

Nitong Marso nabalitaan ko na darating ka at dahil may teresa na ang bahay ninyo hindi ko maiwasang tumingala rito. Subalit ilang linggo na ang nagdaan nun ay hindi pa rin kita nakikita.

Isang araw, naisipan ko na magsimba sa paborito kong simbahan sa Manila. Dahil inabot ako nang tanghaling tapat at nakita kong may mga basura sa tapat ng aming bakuran, medyo uminit ang ulo ko. Subalit, maya-maya  ay may narinig akong tumawag sa aking pangalan.

Nang tumingala ako, nakadungaw ka na sa inyong teresa. Binati mo ako at dalawang beses  naman kitang nasabihan ng “Hi!” Binati kita at sinagot mo naman ako sa wikang Tagalog kaya namangha ako sa iyo.  Iba ka kasi sa  nakatatanda mong kapatid.  

Maya-maya napadako ang tingin ko sa batang naglalaro sa tabi mo  Tinanong kita kong kaano-ano mo ang bata. Sinagot mo ang tanong ko at dahil doon gusto ko nang tumalikod kahit nararamdaman ko na gusto mo pa akong kausapin.  Pero tingin ko ‘di mo narinig ang tanong ko dahil saliwa rin ang sagot mo nang sabihin ko na kausapin mo ang kuya ko.

Hindi ko mapigil ang mapatanga sa tuwing naalala ko ang eksenang iyon, lalo na’t nalaman ko na hindi mo naman  nakausap sino man sa miyembro  ng pamilya ko o sa mga kapit-bahay natin. Salamat! Dahil nitong huling alis mo, isinigaw mo ang pangalan ko.