What’s your career path?

Mapag-isip akong tao na kahit sa pagtulog iniisip ko kung paano kaya ako makakatulog at ilang minuto. What more pa kaya kung usapang career? Kahit marami na akong nakakausap sa bagay na ito at marami akong nakukuhang ideya o payo, parati ko pa rin kinakausap ang sarili ko sa isyung  ito.

Hitokiri : Ano ang ipinagpapasalamat mo sa work o career mo?

Hoshi:  napa-practice ko ang pinag-aralan ko, nakakapagsilbi ako sa ibang tao, at may sweldo akong nakukuha rito.

Siyempre, may mga reklamo rin ako- sagana!  Pero nakuha kong magtagal sa trabahong (iiwan ko na ngayon) dahil sa mga sagot ni Hoshi plus yung malalim na samahan   sa aming grupo at prebiliheyo ng mga taong inugatan na sa isang lugar also known as “seniority”

Money matters? Oh common!

Hitokiri:  Ano ba ang mga gusto mong gawin para sa iyong career? Naibibigay ba ang mga ito ng pinagtatrabahuan mo ngayon?

Hoshi:  Puro ka tanong!

new philippine peso billsBagaman hindi ko  pa ma-imagine na winawalis ko ang pera  sa kuwarto ko (puwede naman ikalat ang tagbe-bente di ba?), hindi ako hypocrite  sa aim ko na magka-isang milyon bago ako mag-40. Wala akong nakikitang bad d’yan dahil pagtatrabahuan ko ‘yan at wala sa hinuha ko ang manloko o mang-apak ng tao. In fact, kung business-minded ako gusto ko magbigay ng source of income din sa ibang tao at iangat ang estado ng pamilya ko.  Pero idealist ako at hindi ako lango sa view na “pera-pera lang yan.”

Because I believe money is just an instrument to buy your needs, your wants or you desires.  But needs, wants, or desires are not equivalent to happiness.

Pero realistic din ako, I know kung gusto mong umangat sa kinalalagyan mo ngayon kailangan may gawin kang extra sa ordinaryong sitwasyon na mayroon ka.

If your income is not enough to support your needs, check your personal finance. Baka naman yung gastos mo ay equal sa dalawang buwang sahod mo? At siempre, hindi puwedeng nagtatrabaho ka lang para may makain o pambayad ng ilaw, tubig at telepono. Mangangarap ka rin ng ibang bagay ‘di ba like business, retirement, education, house and lot at iba pa gaya ng wish kong tablet.

You can’t tell me what I “really” want

grandpa's inn musical instrumentsKamakailan may nakausap ako na todo explain ng work environment na ginagalawan n’ya. Pardon me, pero ang dating sa akin ng explanation niya ay ignorante ako sa industriyang ‘yon at hindi ko kayang tapatan ang ginagawa nila.

Siguro nga hindi at wala rin akong interes na tapatan. Sorry pero alam ko kung anong challenge ang gusto kong pasukin at hindi yung challenge na patunayan ko na mali ang background ko. Kung ang background ko man ay isang mahirap at makaluma, hindi ako dapat mangimi kahit ang kaharap ko ay isang mayaman at maalam sa latest technology. Tao akong pinalaki at humaharap. Ano pa ba ang mas mahalaga sa lahat? Puwedeng mas may alam ang isa sa ganitong bagay pero hindi ibig sabihin noon na ang isa ay mang-mang na.

May nakausap din ako na pinayuhan ako na mag-stay. Ano ba ang mahihita ko sa labas? Babalik na naman daw ako sa rank and file employee and baka magre-retire na lang ako ay hindi pa ko tataas ulit?

Ganito kasi yan e.

Hitokiri: parang manghuhula siya no?

Hoshi: oo nga e, akalain mong sa bata kong ito, sabihan na kaagad akong hindi na ako magiging team leader. Puwede naman akong maging purok leader a, floor manager, chairman of the board o kaya ay chief executive officer.

Hitokiri: Iyong posisyon mo,  ma-miss mo ba? Paano ‘yan baka bumalik ka sa ibaba?

Hoshi:  Tao ang name-miss hindi puwesto at ang mami-miss ko ‘yong mga kasama ko nang ilang taon. At dun sa pagbaba , walang problema. Ang totoong  slasher star, hindi nakabase sa demand ng popularity kundi sa quality ng role na tini-take. Kung nakaka-deliver at nabibigyan niya ng justice ang kanyang role.  Kapag nagawa niya ng mahusay ang kanyang pagganap/ trabaho, sunod-sunod na ‘yan. Awards, more projects, commercial endorsements and even singing engagements.   

Ang title ay title lamang kung  hindi mo talaga feel. Kung mananalo ako na Miss Universe at hindi ko feel na maganda ako. ano yun?

read
My Work is not the whole me
sa next post ko.

Ang Paborito Naming Laruan ni Matmat

I

Grade three po ako no’ng maging kaklase ko si Paeng. Si Paeng po ang naging kalaro ko sa takbuhan at Game Boy. Minsan din po nag-aaway kami kasi po nang-aaway siya ‘pag natatalo siya sa laro. Pero matapang po si Paeng, takot nga sa kanya ang mga kaklase namin eh!

II

Second grading period po namin no’ng mag-transfer sa school si Mathew. Tawag namin sa kanya ay Matmat, ang “Patpat.” Ang payat po kasi niya at ang putla pa. Pareho kaming nine years old pero siya may salamin na. Pala-ngiti naman siya sa akin at sa iba pa naming kaklase. Pero hindi ko po s’ya pinapansin masyado kasi parang ‘di siya masayang kasama.

II.

Isang araw nakaupo ako malapit sa kanya, hinihintay po namin si teacher Rudy. Nagsusulat po s’ya sa papel. Akala ko po nagdo-drawing, ‘yon pala ay tinitingnan niya ang assignment namin kay teacher Rudy. Lumapit ako sa kanya, sabi ko, “Matmat pakopyahin mo naman ako sa assignment natin, mahina ako sa Math e.” Ang sabi niya “Ayoko, bilin ng Nanay ko huwag daw akong magpapakopya.”

IV.

Simula po noon, inis na po ako kay Matmat. Kung ayaw niya, ayoko rin sa kanya, hmp! Ako may friends gaya ni Paeng, may Game boy, at walang tumutukso sa akin na patpat. Kahit mahina po ako sa Math, magaling naman ako sa ibang subjects lalo na sa Science. Alam ko sa’n umiikot ang earth at ano ang pina-pump ng puso. Oha! Oha!

V.

Kulay red po ang grade ko sa Math, 74%. Nang ibigay ko po kay Mama ‘yong (report) card ko pinagalitan n’ya ako, Nang makita naman ni Papa, akala ko po papaluin n’ya ako. Takot na takot ako kina Mama at Papa kasi bagsak ako. Tapos mababa rin ang grade ko noong first grading period. 79 +74+_+_ =?

VI.

Kinuha ni Papa ang Game boy ko, hindi na rin ako puwedeng manood ng TV ‘pag may pasok. Hayyyy! Buti pa ang mga classmates ko masasaya. Buti pa sila walang bagsak. Buti sila makakapaglaro pa rin. Buti pa si Matmat, kahit payat nagta-top sa Math. Teka, ba’t ko ba siya iniisip? Hindi naman kami friends.

VII.

Nagku-quiz kami sa Math nang narinig ko po na gusto ni Paeng na pakopyahin s’ya ni Matmat. Hindi pumayag si Matmat, kaya sabi ni Paeng mamayang uwian lagot daw siya. Kinabahan po ako. No’ng uwian, nakita ko na itinulak ni Paeng si Matmat, natumba s’ya sa lupa. No’ng parang itatapon ni Paeng ang mga libro ni Matmat, pinigilan ko po si Paeng. Ako po tuloy ang nabagsakan ng mga libro, ang sakit!

IX.

Isa, dalawa, takbo! Hinila ko si Matmat palayo kay Paeng. Hinihila ko pa siya kasi ang bagal-bagal po n’yang tumakbo. Noon malayo na po kami, napansin kong nahihirapang huminga si Matmat. Sabi po n’ya, “hinihika ako, hinihika ako!”  Pero sabi niya malapit na raw ang bahay nila kaya sinamahan ko siya pabalik sa kanila. Ang bahay pala nila ay tabi ng pinakamalaking junk shop sa amin. Ito raw ang kompanyang pinapasukan ng mga magulang n’ya.

X.

Malinis po ang bahay nila Matmat pero wala silang ga’nong gamit. Iyong TV nila black and white at ‘yong antenna po no’n ay nakalagay sa kanilang  bintana. May mga platong itim sa dingding nila. Sabi ni Matmat, mahilig daw kasi sa music ang Tatay n’ya.  Dati raw napapatugtog ng Tatay n’ya iyong mga platong ‘yon pero ngayon bago na raw, (cassette) tapes na.  Kinuha ni Matmat ‘yong gamot niya sa hika (Nebulizer) sa parang sirang microwave oven.

XI.

Dumating ang Nanay ni Matmat galing pong palengke.  Marami itong pinamili kasi malaki raw ang kita nito sa kanilang kompanya. May mga nakita akong mga gulay, isda, ‘di plantsadong damit, at ang hinihinging laruan ni Matmat. Nagulat po ako no’ng makita ko ang pasalubong na laruan n’ya kay Matmat, multiplication flashcards, laruan po ba ‘yon?

XII.

Kahit karton at hindi colorful, ang saya-saya ni Matmat nang tanggapin n’ya ang flashcards. “Ba’t ‘yan ang ipinabili mo sa Nanay mo,” tanong ko po sa kanya. Sabi n’ya hindi raw kasi niya makita sa dyaryo kapag iyon ang papel na ginagamit nila sa paglalaro. Saka naguguluhan daw siya sa number four ng tatay n’ya parang number nine. Hindi ko po talaga alam kung bakit ang tingin ni Matmat ay laruan ‘yon. Pero no’ng sumali po ako sa laro nila Matmat at Nanay n’ya, nakakatuwa at nakakaba po pala.

XIII.

Nagsimula kami sa ibang flashcards na nabili noon nila Matmat. May tungkol sa animals, fruit at ang paborito ni Matmat na addition and subtraction. Akala ko po magaling na ako sa sum pero hindi pa po pala. Ang yabang-yabang ko pa po na madali lang sa akin ang mag-plus, ‘yon pala ‘pag mabilis na, ang hirap po pa lang sumagot. Lalo naman po sa minus. Nagbibilang pa lang ako sa daliri ko, sagot na ng sagot si Matmat. Siguro, alam na alam n’ya na lahat ‘yon. No’ng sabi nila Matmat na gamitin na namin ‘yong multiplication flashcards n’ya, nagsabi na po ako na uuwi na ako. “Baka hinahanap na po ako sa amin, good bye po!”

XIV.

Gusto ko pong matalo si Matmat kaya nagpabili rin ako ng flashcards kay Mama. Sabi ni Mama kung sigurado raw po ba ako sa pinabibili ko kasi baka ang ibig kong sabihin ay pogs o teks.  Si Mama talaga, niloloko pa ako. Araw-araw nagpa-practice ako kasama si Yaya. Minsan sumasama rin si Mama ‘pag hindi siya pagod sa work. Sini-secret ko po kay Matmat ‘yon, para ‘pag naglaro na kami ulit, two times na akong magaling.

XV.

“Bakit close na kayo ni Matmat?” tanong po sa akin ni Paeng noong nasa canteen kami ni Matmat. “Ako maraming toys, may bike, at maraming baon parati. Nagsi-share pa nga ako sa ‘yo tapos sasama ka lang dito,” galit ni Paeng habang nakapamewang at nakanguso kay Matmat. “Mabait naman s’ya at saka masayang kalaro,” sagot ko po kay Paeng. “Bakit ‘di ba ako mabait at ‘di ako masayang kasama?” Sagot sa akin ni Paeng. “Saka ang galing-galing ni Matmat sa flashcards.” Ayon natahimik po si Paeng. Ano daw po ba ang flashcards?

XVI.

Isinama po namin ni Matmat sa kanilang bahay si Paeng. Natatawa nga po ako no’ng makita na ni Paeng ang mga flashcards ni Matmat, akala n’ya rin bagong labas na laruan. No’ng araw din po iyon nang makilala ko ang tatay ni Matmat na si Mang Marcos. May buhay-buhat po itong green na maliit na ref (refrigerator). Ang galing, may ilaw pa tuwing bubuksan namin ang bagong cabinet ni Matmat. Tapos nakilaro rin sa amin si Mang Marcos. Ang galing n’ya rin po sa sum at minus!

XVII.

Simula noon friends na kami nila Paeng at Matmat. Lagi na kaming naglalaro ng mga flashcards at nagpapalitan din po kami. Minsan natatalo na rin po namin si Matmat. Ang saya-saya! Kaso isang araw nagalit si Paeng kay Matmat kasi nandadaya raw po s’ya. Natulak ni Paeng si Matmat na napaupo sa lupa. Umiyak po si Matmat sa sakit at maya-maya ay hinihika na naman po s’ya. Tapos hindi pala nadala ni Matmat ang gamot n’ya.

XVIII.

Binuhat namin ni Paeng si Matmat patakbo sa bahay nila. Isa, dalawa, tatlo, pang- ilang street nga ba sa kanila? Sabi ni Paeng kung mag-tricycle na lang kami, hati na lang kami sa bayad. Paano nga po ba maghati? Minus ba ‘yon o times? Pero bago pa po kami mag-tricycle, nakita namin si Mang Marcos na nagtutulak ng kanyang kariton. Sumakay po kaming tatlo sa kanyang malaking kariton pabalik sa kanilang bahay. Ang bilis nga po ni Mang Marcos magtulak ng kariton, two times! Kaya madali pong nagamot si Matmat.

XIX.

Humingi po ng tawad si Paeng kay Matmat at pinatawad naman po s’ya ni Matmat. Hindi rin po siya pinagalitan ni Mang Marcos. Ang sabi pa nga po n’ya ay sana ay maging matatalik kaming magkaibigan hanggang paglaki namin. Kaso, isang araw sabi naman ni Papa lilipat daw po kami ng Davao. Doon daw po s’ya pinagtatrabaho ng boss n’ya. Pare-pareho po kaming nalungkot nila Paeng at Matmat. Nag-iyakan pa nga po kami no’ng nagpaalam na ako sa kanila at no’ng binigyan ko sila ng flash cards. Binigyan ko ng division flashcards sila Matmat at Paeng. Binigyan din nila ako ng cards pero hindi naman po flashcards kundi friendship cards.

XX  

Ngayon pong grade five na ako, hindi ko na po masyado na nagagamit ang mga flash cards ko. Siguro kasi magaling na po ako sa Math. Siguro kasi puwede na kaming gumamit ng computer dito sa school. Pero alam n’yo po kung tatanungin n’yo po ako kung ano ang paborito kong laruan, flashcards pa rin po. Kasi rito po ako natututo sa Math, hindi rin po kailangang mahal ang laruan at saka rito ko rin po naging kaibigan sina Matmat at Paeng. Maraming salamat po!- Sedrich.

Ang entry na ito ay aking lahok sa Kategoryang Kwentong Pambata sa Saranggola blog awards 3 (www.saranggolablogawards.com.)