Mga Marka

, , , , , , ,

BUWAN ng wika pala ngayong Agosto… hindi ako nakapag-advance ng entry kaya nanghihinayang ako. Anyway…

Gusto ko lang sabihin na mahal ko ang aking wika kahit pa minsan kailangan kong magsalitat’t magsulat sa wikang Ingles at nais ko ring matututo ng ibang lengguwahe gaya ng Spanish, French at Japanese.

Salamin ng aking kultura at pinagmulan, dito ako kumportble at nais kong gamitin ito sa lahat ng pagkakataong mapagbibigyan ako. Ipinagmamalaki kong mas buhay na buhay ang Filipino sa alinmang wika. Ang salita po ng mg Pinoy ay may mga bakas ng Chinese, Spanish at English. Isang nakakatuwang katotohanan para sa akin at sa palagay ko ay isa lamang ang Filipino sa iilang salita na maaari mong ipahayag ang iyong paggalang (sa pamamagitan ng po, opo, at ho), maliban ng pagtawag ng mister, misis, at miss sa isang tao.

Sumasabay rin ito sa takbo ng panahon. Nalalaliman tayo sa mga binibigkas na salita nina lolo at lola pero kung susumahin naiintindihan naman natin yun o kung hindi man may katapat naman na kahulugan iyon sa modernong wika natin. Manood kayo ng mga lumang pelikula nina Fernando Poe Jr., Vilma Santos, Nora Aunor, Ramon Revilla etc, mapapansin ninyo kung ano ang pagkakaiba ng kanilang mga dialogue sa mga fantaserye o telefantasya ngayon sa TV. Nakakaaliw at nakakabilib!

Noon, akala ko nga maalam at matatas na ako sa Filipino at kailangan ko na lamang pagtuunan kong paano ko mapag-uunlad ang pag-aaral ko ng ibang lengguwahe, pero hindi pa pala. Napagtanto ko ito nung magtrabaho na ako rito sa opisina na ang dami ko pa palang ‘di alam at kailangan na matutuhan.

Maaaring sa ngayon ay nagiging pamantayan ng antas sa lipunan kung matatas ka sa wikang Ingles. Aminin din natin na maraming oportunidad na naghihintay kung kaya mong makipatalastasan o kumatha sa salitang ito. Sumasang-ayon ako na kailangan ng mga Pinoy na magkaroon ng armas para sa globalisasyon. At para sa akin ang isang pinakasimpleng paraan para pumailanlang ay ang magkaroon ng kasanayan sa komunikasyon. Komunikasyon na hindi magpapakita na magaling ka, kundi nakakaintindi ka at maiintindihan ka.

Hindi ako naniniwala na kapag magaling kang magsalita ng Ingles matalino ka na, kapalaluan! Magsalita ka ng may kwenta at ipakita mong alam mo ang mga sinasabi mo.

May lagi akong linya, “mahal ko ang Pilipinas pero mahal ba ako ng gobyerno ko?” Ang ibig kong ipunto rito ay ibigay ko man ang makakaya ko kung mawawalan naman ng saysay dahil sa paglilinlang at pandarambong ng mga makapangyarihan para saan pa? Mahirap lumaban sa sistemang nabubulok at pinapaikot ng mga makasarili.

Maaaring ibang isyu na nga ang pangingibang bansa, dahil kinabukasan, pangarap at pag-iwas sa pagkalam ng tiyan ang usapan doon. Subalit, kung dumating ang punto na kailangan ko ng iwan ang Pilipinas at sa ibang bansa na magtrabaho’t manirahan, sisikapin kong kausapin ang mga kapwa ko Pinoy sa wikang Filipino at turuan ng katutubo kong wika ang aking magiging Pamilya.

Ayokong maging banyaga ako sa sarili kong wika at kalimutan ito saan man ako mapadpad. Dahil sa Filipino ko lang nabibigkas ang aking tunay at ibig na ipakahulugan.

Diksyunaryo nga!

About these ads