Kaintindi-intindi na maging magiliw tayo sa mga babies. Sino ba naman ang hindi lalo na’t ang cute-cute at ang bibo nila? Ngunit, alam din natin na kaakibat ng kanilang pagiging bata ang kanilang kakulitan at pagiging pasaway. ika nga kanya-kanyang phase ng buhay ‘yan. Lahat tayo nanggaling dyan at may patutunguhan din tayo sa bandang huli kung ‘di tayo maagang matitigok sa earth.
Nalulungkot ako minsan na makita ang mga matatanda na namamalimos sa daan. Nasa’n ang kanilang mga anak na kanilang pinalaki at inarugaan noon, ngayon naman na sila naman ang nangangailangan. Maaaring alagain sila, pasaway at kailangan gastusan pero hindi ba’t ganun din naman ang tiniis nila nung sila pa ang malakas at nag-aalaga.
Actually masakit na siguro sa isang matanda ang iwanan sa isang home for the aged pero mas masakit naman siguro kung hayaan silang magpalaboy-laboy sa daan. Hindi sila baliw para mawalan ng katinuan, ang sakit na kanilang nararamdaman ay nakikimkim na lang sa kanilang puso’t isipan. At marahil, hinihintay na lang nila pumanaw na lang at baunin ang masasaklap nilang ala-ala sa mga huling sandali ng kanilang buhay.
May kilala akong matanda. Inako na niya ang mga apo na hindi naman niya direktang kadugo. Pinalaki, pinakain at hanggang sa makakaya ay pinilit na mapag-aral ang mga ito. Iyon nga lang sadyang hikaos din sa buhay. Dumating ang araw na nagsipag-asawa na ang kanyang mga inakong apo. Kinupkop pa rin ang mga sari-sariling pamilya nito.
Ang masaklap, binigyan niya ng kabuhayan hindi pinagbutihan. Bagkus ay “winawalanghiya” (sorry sa term) pa s’ya nito. Nagbabayad pa siya ng utang para sa kabuhayan na ‘yon, ni wala ng inaabot sa kanya at palugi na. Nung tuluyang mawalan ng trabaho, sa kanya pa humihingi araw-araw ng pera ang kanyang apo. Ang paghingi ng perang iyon ay tila obligasyon pa sa kanyang parte. At wag namang sanang hina-harass na siya.
Pati ang manugang niya sa apo ay magaling din. Ang utos n’ya na pambili ng gamot ay wala ng balikan ng sukli. At ang laman ng kanyang pension buwan-buwan ay nasaid dahil kinuhanan na di umano ng kanyang apo sa tuhod. Ang sabi nawawala raw ang ATM ,‘yon pala kasama sa nawalang ATM card ay ang pambili nila ng pagkain at gamot na mag-asawa.
Isang araw narinig ko naman sa kwentuhan ng kanyang mga apo sa tuhod na baka sipain siya ng isa roon o tisurin dahil nagsumbong sa ibang tao. eh hindi ko na natiis. Sabi ko isumbong ng matanda sa akin kung sipain siya at ako ang sisipa sa apo niya sa tuhod palabas ng bahay nila. At sinabi ko ‘yon sa mismong harapan ng apo niya sa tuhod.
Hindi ako mabuting anak at madalas nasasagot ko nanay ko. pero di ko maaatim na mamura yon o saktan man lang. O kahit ng ibang tao na gawin sa kanya ang mga bagay na ‘yon. Parang kahit siguro fault ng nanay ko ay susugurin ko pa rin ang kaaway niya. At ganito rin naman ako sa ibang matatanda, handang magpasensya. Respeto lang!
Buti pa ang MRT may priority coach,
buti pa ang mga fast food restos may lane for elderly
eh sa ilang mismong tahanan nila walang pasintabi
tamaan na ang tamaan!