Dear Ate Jevz,
This coming March ay ga-graduate na rin ako at last. Happy and at the same time, kabado rin po ako. Kabado kasi, ‘di ba po mahirap ang maghanap ng work ngayon?
Ang plano ko po kasabay ng aking pag-a-apply ay maglakad na ng mga legal documents, gaya ng birth certificate, SSS, Voter’s ID, NBI Clearance at kahit passport. Ano po bang mga dapat kong tandaan kapag kukuha ako ng mga ito?
Salamat po and have a nice day!
Joanna Eloisa Cruz
Dear JEC,
Hello! Tama ‘yan na maglakad ka ng mga papel para habang naghahanap ka pa ng work ay nakukumpleto mo na rin ang mga requirements mo sa work. Isa pa ay mas masasanay at lalawak pa ang iyong kamalayan sa paligid mo. Yes this time, hindi na sina professors at teachers ang magbibigay sa iyo ng lessons kundi ang mga karanasan at mga makakasalamuha mo.
May iba kasi diyan, tumanda na lang ay ‘di pa ata nakakapasok ng city hall at marunong maglakad ng mga papel. Sa huli kailangan pa nilang makiusap o magbayad ng maglalakad para sa kanila. Anyway, narito ang kabagayan na tingin ko ay dapat mong malaman sa paglalakad ng mga kapapelan sa buhay.
Gumising ng maaga. Wala kang mapapala kung aalis ka ng bahay ng tanghali na. Bukod sa may LIMIT ang oras ng mga ‘yan, mahahahaba rin ang pila sa dami ng tao. Mapapansin mo rin na iba na ang ngiti nina Sir at Ma’am sa counter kapag bandang hapon ka pumunta.
Alamin san ang City Hall. Hindi lang naman sina Mayor, vice at councilors ang mabibisita mo sa inyong city hall. Mayroon ding mag mini offices diyan ang COMELEC, N.B.I. at pwede ka na ring kumuha ng birth certificate diyan (‘yan ay kung diyan ka sa lungsod ninyo, nagka-ugat). Oh ‘di ba ‘di ka na makikipagsiksikan sa Carriedo (para sa N.B.I.) o kung saan-saan pa. Alamin mo rin kung meron talagang mga ganyan sa city hall ninyo, kasi sa amin meron eh.
Laging magdala ng two valid IDs. Laging ang mga ‘yan ang hihingin sa iyo, every time na may transactions ka sa mga government agencies or saan mang businesses. So kahit pangit ka sa school ID mo, wala ka ng magagawa kundi iwagawayway ‘yan.
Magtanong sa tamang tao. ‘Wag kang basta-basta makatanong lang, especially kung pagbabayad ang gagawin mo. Pumunta ka sa mismong information desk o lumapit ka na lang kina manong guard. Maiigi sila kaysa kung sinu-sino d’yan na nagmamagaling or worse manloloko sa iyo. Naku po, lalong-lalo na sa DFA (Dept. of Foreign Affairs) kung saan ka kukuha ng passport ang daming fixer d’yan kaya mag-ingat ka.
Magdala ng mga gamit. Bukod sa wallet mo na may laman na pera at IDs, o mga ATM or credit cards (sosyal), magdala ka na rin ng black ballpen (gawin mo ng 2), maliit na notebook, pamaypay, bimpo o panyo, payong at maging ng mga babasahin o bagay na magbibigay aliw sa iyo habang naghihintay sa mahabang pila. Pero utang na loob, tama na siguro ang brick game o mp3 player, kaysa PSP dahil mang-iinggit ka pa eh. Baka ‘pag nagdala ka pa ng mamahalin gadgets mo ay sa presinto na ang diretso mo.
Magsuot ng simple o komportbleng damit pero umaktong ismarte. Siguro tama na ang t-shirt, pantalon at sandals or rubber shoes na pinaka-overall attire mo. Bahala ka na kung susundin mo ‘yong trip mong porma, ikaw din naman mahihirapan sa maghapong paglalakad. Basta kahit ano pang suot mo ay ipamalas mo na hindi ka naman ganun kaignorante. Magbigay ka lang ng impression na hindi ka basta-basta. Ang iba kasi d’yan, idinidepende ang serbisyo nila sa kung ano tingin nila sa tao. Mapi-feel mo naman ‘yan e!
Itago ng maigi ang mga kapapelan. Ayaw mo naman siguro mapunta sa wala ang paglalakad mo at magpabalik-balik hindi ba? Pagkakuha ng mga ito ilagay mo kaagad sa iyong bag o file case. Kahit yong mga resibo, wag mong wawalain.
Maging pasensyosa o matiisin. Matuto kang makisalamuha at makisama sa ibang tao. Kahit mukhang snub sina Ma’am at Sir sa counter, intindihin na tao rin sila na napapagod at maraming inaasikaso. Smile lang at maging mahinahon sa sagot, kahit malaman na ‘yong sinasabi mo. Iba ‘yong sumasabat na may paggalang at mahinahon pa rin kaysa nagmumukha ka ng palengkera. Tandaan, balwarte nila ‘yon at saka maganda na maging okay ka sa kanila para pag bumalik ka, NGISIAN (a plastic’s smile) pa rin kayo.