Dahil abala sa sari-saring gawain o aktibidad sa buhay, wala na akong interes pang tingnan ang langit para magmuni-muni. Ano pa nga ba ang bago sa ulap sa Kamaynilaan na sa tingin ko’y binubuo ng smoke and fog…(smog).

Sa isang simple at pambihirang pagkakataon ay nahagip ng aking mga mata ang naiibang silay ng buwan nang mapadpad ako sa Hagonoy, Bulacan. Kalilipas pa lang noon ng bagyong Frank at kababa pa lang ng baha nang samahan ko ang isang bagong kakilala para bumili ng sipilyo sa noo’y isa nang nakasarang tindahan.

Ang hindi ko pala pagsama sa kanya sa loob ng nasabing bilihan ay isang oportunidad para masaksihan ang paghawi at paglambong ng ulap sa kakaibang korte at liwanag ng buwan. Animo’y nagsasaad ito na umantabay ka, may mangyayaring kakaiba.

Malaki ang aking panghihinayang na hindi ko nadokumento ang “cinematic view” na iyon. Kung bakit ba naman sa maghapong nakasukbit sa aking katawan ang digital camera ay noong mga oras ko pa iyon napagpasyahang hubarin.

Sana makakita ako ulit ng ganitong tanawin at makunan ko rin ng litrato. Para sa akin kasi ang bagay na normal ay nagiging iba kung bibigyan mo ito ng kahulugan at pagpapahalaga. Ipinapaalala nito na sa gabing madilim at matapos ang maghapong pasakit ng ulan at baha ay may natitira pa ring liwanag at pag-asa.